Kalahati ng impeachment tapos na; ano ang susunod?

SINUNOD ng prosekusyon ang kanilang kalendaryo sa pagpiprisinta ng ebidensya  sa kasong impeachment ni Chief Justice Renato Corona.

Hindi na itinuloy ng prosekusyon na litisin si Corona sa mga kasong sumasailalim sa Article 1, 4, 5, 6 at 8.

Marami ang dahilan kung bakit nagkaganito.

BARADO ANG EBIDENSYA

Sinasabi ng prosekusyon na barado ang pagkuha ng ebidensiya mula sa Supreme Court na may kaugnayan sa hindi itinuloy na articles of impeachment.

Gumawa kasi ang Supreme Court mismo ng harang sa paglabas ng mga tao at dokumento bilang mga ebidensiya sa isang resolusyon na ginawa nila noong Pebrero 14, 2012.

Sa paliwanag ng mga tagausig-kongresman, pinagbawalan ng SC ang lahat ng mga opisyal at empleyado nila na magtestigo at maglabas ng mga ebidensya.

Kung lalabas at maglabas man sila, kailangan nilang gumawa ng waiver.

Yun bang === kung may mangyari sa mga ito, walang pananagutan ang SC sa kanila.

Halimbawang nagkaloko-loko ang kanilang mga testimonya at ebidensiya at mako-contempt sila o makukulong sa mali-maling mga testimonya at ebidensiya, hindi sila sasagutin ng SC?

EO 464 NI CGMA INULIT NG SC

Sabi ng prosekusyon, pinairal ng SC ang katulad ng Executive Order 464 ni Aling Gloria noon.

Noong kasagsagan ng iskandalo sa ZTE-NBN deal at abono iskam, pinagbawalan ni Aling Gloria ang lahat ng kanyang opisyal na dumalo sa mga pagdinig sa Senado upang malaman ang katotohanan.

Ganito rin umano ang ginawa ng SC sa paglalabas nito ng nasabing resolusyon.

Kung paano nailingid sa taumbayan ang katotohanan sa mga iskam sa ZTE-NBN deal, abono iskam at iba pa, hindi kaya ganito rin ang naganap sa iskam ni Corona?

Tanong ito, mga Bro, na kayo lang ang makasasagot.

IMPEACH COURT DECISION

Nagsilbing bara rin sa  paglilitis ang mismong desisyon ng Impeachment Court na tumigil ng pag-iisyu ng subpoena sa mga testigo at ebidensya ng prosekusyon.

Sa madaling salita, dapat umano na ang prosekusyon ang maglabas ng ebidensya at huwag nitong gamitin ang Impeachment Court para rito.

At lalong umigting ang desisyong ito nang pinag-uusapan na ang mga tao at dokumento mula sa SC.

Katwiran ng Impeachment Court, baka darating ang lahat sa away o komprontasyon nito at ng SC.

Hindi umano maganda ang patutunguhan nito kung mag-aaway na ang dalawang hukuman.

Pero sabi naman ng prosekusyon, nagkulang ang Impeachment Court sa paggampan ng tungkulin nito na magpalabas ng katotohanan sa mga bintang kay Corona.

O kayo, na mga Bro, ang kumilatis kung ano ang nararapat sa usaping ito.

TAGONG YAMAN PINASISINUNGALINGAN

Ang sabi ng prosekusyon,  sapat na ang mga ebidensya na nailatag laban kay Corona.

Isa rito ang sobra-sobrang pagkakaroon ng chief justice ng sobrang yaman at hindi tugma sa kita nito.

Binubuo ang sobrang yaman nito ng nasa 24 na house and lot at parking.

Habang nagdeklara lang umano si Corona ng limang pirasong ari-arian, lumalabas namang 24 ang ari-arian nito.

Isa pa, sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth, nagsinungaling umano si Corona sa pagdedeklara hindi lang ng kanyang mga ari-ariang house and lot at iba pa kundi maging sa ari-arian nito sa bangko.

‘Yun bang === halaga ng mga pera nito sa bangko at pagkakaroon ng malaking halaga na dolyar sa bangko pa rin.

Sobrang sinungaling umano si Corona ngunit nahuhuli ito sa mga rekord ng ari-arian nito sa lupa at sa bangko.

Muli, mga Bro, kayo na ang mag-isip kung ano ang tama at mali at kung ano ang nararapat na mangyari sa kasong impeachment na ito.

MAY LALABAS PA

Parte na rin ng depensa o ni Corona ang maglatag naman umano ng tunay na katotohanan at pagpapasinungaling sa lahat ng mga bintang ng tagausig-kongresman.

Siyempre, igigiit ang pagiging inosente ni Corona ng mga abogado nito.

Kokonti lang ang ari-arian nito, hindi nagpayaman sa puwesto, hindi nang-abuso sa poder, hindi nagnakaw, walang tagong yaman at hindi rin sinungaling sa SALN nito.

Lahat na ng katangian ng isang anghel at santo ay igigiit ng depensa para kay Corona at babaligtarin nila ang bintang.

Ang mga tagausig ang sinungaling at nagbibintang ng  walang mga batayan.

Pero sa mga direct examination at cross examination na magaganap, palagay ba ninyo ay walang mapipiga na ebidensya?

SI CORONA MISMO

Si Corona mismo ang isa sa mga isasalang sa mga pagtatanong, kasama na ang cross examination.

Sa cross examination, mga Bro, ay napakahirap ang magsinungaling.

Baka mabingwit pa sa sarili niyang bibig si Corona.

May iba pang mga testigo at dokumento ang panig ni Corona.

Huwag nating sabihin na magiging pabor ang lahat ng ito kay Corona.

Nangyari ito sa parte ng prosekusyon na may nabaligtad o nabalewalang ebidensya.

Eh kung pagsasama-samahin ang mga ebidensya ng prosekusyon at depensa, ano kaya ang magiging desisyon?

Basta sa akin, ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw. ‘Di ko sinasabing si Corona yun!
Hehehe!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text at itawag sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply