KAPRITSO (Ika-41 na labas)

“MAGANDA siguro na sa bahay ko na lang sabihin sa iyo. Baka magkaiyakan pa kasi

tayo rito,” nakangiting sabi ni Jason kay Sally.

“Ang dami mong arte!” ingos naman ng babae.

Nagpatuloy na sila sa pagbibiyahe hanggang sa makarating sa condo building na kanilang tinitirahan.

Tumigil sila sa carpark.

Nang bumaba sila rito, kinuha ni Sally ang biniling pagkain sa backseat.

Matapos ito, dumiretso na sila sa tinutuluyang unit.

Nagpalit muna sila ng damit bago inihain ng babae sa mesa ang biniling pagkain.

“Wow!” palatak ng binata nang makita ang pagkaing nakahain sa mesa. “Parang handa sa kasalan ang binili mong pagkain.”

“Hmp! Para iyan lang. Nahihiya na nga ako sa iyo dahil ikaw ang nagpapakain sa akin,” ingos naman ni Sally.

“Okey lang iyon! Lagi mo rin naman akong pinapakain!” biro ni Jason.

“Nang ano?” salubong ang kilay na tanong ng babae.

“Hilaw pero walang kasing sarap!” sagot ng binata saka malakas na tumawa.

“Bastos ka, ha! Tusukin kita ng tinidor!” nakangiting sabi ni Sally saka inambaang tutusukin ng tinidor ang lalaki.

Ilang saglit pa at kumakain na sila.

Asikasong-asikaso ni Sally si Jason.

Siya ang naglagay ng pagkain sa plato nito at ipinagbalat pa ang lalaki ng sugpo at alimango.

“Ang sarap!” palatak ni Jason.

“Talagang masarap magluto ng ulam doon sa binilhan ko!” sabi ng babae.

“Hindi ulam ang tinutukoy ko!”

“Ano pala?”

“Ang pagmamahal mo!”

“Hmp! Ang dami mong kadramahan. Kumain ka na nga riyan!” ingos ni Sally.

Masayang nagpatuloy sa pagkain ang dalawa.

Nang matapos silang kumain, iniligpit ng babae ang kanilang pinagkainan habang naghihintay naman sa kalapit si Jason.

Sabay silang pumasok sa kanilang kuwarto.

Sobrang sweet sa isa’t isa. Parang bagong kasal na magkayakap pa habang naglalakad.

Sabay silang nahiga sa kama.

Kapwa sila nakahiga na nang maisipang ungkatin ni Sally ang problemang sinasabi ni Jason kanina.

“Siguro nama’y puwede mo nang sabihin sa akin ngayon ang problema na sinasabi mo kanina,” sabi ng babae.

“Gusto ko sanang kalimutan na natin iyon,” sagot naman ng binata.

“Ano ka ba? Sinimulan mo na kaya dapat mong tapusin,” giit naman ni Sally.

Tumingin si Jason sa magandang mukha ng katabi.

“Kapag hindi mo sinabi sa akin ngayon kung ano ang problema mo, hindi kita pakakainin. Matulog kang bitin,” nakangiti pero seryosong sabi ng babae.

“Buweno, mapilit ka rin lang, di sasabihin ko na!” sagot ni Jason.

Hindi nagsalita si Sally pero nakikinig sa sasabihin ng binata.

“Gusto ko lang itanong sa iyo kung sino si Janna sa phonebook mo?” hindi tumitinging tanong ni Jason kay Sally.

Napamaang ang babae.

Bigla ang pagtakas ng kulay sa kanyang mukha pero hindi siya nagpahalata.

“P-Pinsan ko!” mabilis niyang tugon.

Sa puntong ito marahang bumaling si Jason kay Sally.

“Lalaki siya. Hindi ba?” tanong ng binata.

“T-Teka… paano mo nalaman?” takang tanong ng babae.

“Nakausap ko siya!”

Bumadha sa mukha ni Sally ang matinding pangamba at pag-aalala.

“At hindi mo siya pinsan. Jude ang tunay niyang pangalan at siya ang asawa mo na iniwan sa Pilipinas!” patuloy naman ni Jason.

Namutla na nang todo si Sally.

Parang ibinabad na sa suka ang kulay.

“Bakit ka nagsinungaling sa akin? Bakit sa simula pa lang ay hindi mo sinabi sa akin ang totoo? Naniniwala pa naman ako na dalaga ka at umasa ako na ikaw ang babaeng ihaharap ko sa harap ng dambana,” dagdag pa ni Jason.

Parang dagang nakorner na si Sally …

Bigla na lang siyang umiyak. ITUTULOY

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply