KAPRITSO NG LAMAN (Ika-26 na labas)

WALANG imikan na nag-almusal sina Jason at Sally.

Hinayaan na lang ng binata ang pananahimik ng babae.

Nang matapos silang kumain, ang binata na ang nagprisinta na magliligpit ng pinagkainan.

Pumasok na naman sa banyo si Sally at naligo.

Nag-aapura ang babae.

Medyo tanghali na kasi.

Kailangang bilisan niya ang paliligo dahil maliligo pa rin si Jason.

Kaya nang matapos siyang maligo, ang binata naman ang hangos na pumasok sa banyo.

Habang nagbibihis si Sally, biglang tumunog ang cellphone ng babae.

Overseas call.

Alam niya kung sino ang tumawag, ang asawang si Jude.

Pilit niyang pinasaya ang tinig nang mabosesan ang asawa.

“Kumusta ka na?” masaya niyang tanong.

“Ikaw ang gusto kong kumustahin. Ano na ang nangyayari riyan?” malamig na tanong ni Jude.

“E, di nagtatrabaho! Pagsahod ko, padadalhan kita ng pera,” sabi ni Sally.

“Hindi pera ang mahalaga sa akin kundi ikaw. Aanhin ko ang pera kung mawawala ka naman,” sagot ng asawa.

“Bakit ganyan ang tono mo? Parang wala kang tiwala sa akin,” sabi ng babae.

“Marami kasi akong naririnig na kuwento sa mga babaeng nangingibang bansa.

Pagdating diyan, may ka-live in silang iba para may pumawi ng kanilang pangungulila. Kung ganyan din lang ang mangyayari, mabuti pang hindi na kita pinayagang umalis,” sabi ni Jude.

Mistulang sinuntok sa dibdib si Sally.

Parang naramdaman kaagad ng asawa ang ginawa niyang pagwawala sa Taipei.

“Huwag mo akong ikumpara sa ibang babae. At huwag ka ngang masyadong magpapaniwala sa kanilang sinasabi. Sinisira lang nila ang loob mo at pati ako naaapektuhan dito,” mataray na sabi ni Sally para palabasing wala siyang ginagawang kalokohan.

“S-Sorry!” malungkot na sabi ni Jude sa kabilang linya.

“Sige na! Papasok na ako sa trabaho. Bye! I love you!” sabi ni Sally sabay pindot sa endline ng kanyang cellphone.

Eksaktong katatapos lamang nang pag-uusap nila ni Jude, siya namang paglabas ni Jason sa banyo.

Hangos na ipinagpatuloy na niya ang pagbibihis.

Nag-aayos siya ng sarili, nagbibihis naman si Jayson.

Ilang saglit pa at lulan na sila sa kotse ng binata para magtungo sa kanilang pinapasukan.

Tulad nang dati, idinaan muna ni Jason si Sally sa pinapasukang mall.

Walang imik na nag-kiss ang babae sa pisngi ng lalaki bago bumaba sa kotse.

Matapos ito, dumiretso na siya sa pinapasukang jewelry store.

Problemado si Sally pero pagdating sa trabaho ay pilit niyang iwinaksi.

Ibinuhos niya ang kanyang panahon sa pag-aasikaso sa mga dumarating na kostumer.

Bilib na bilib tuloy sa kanya ang may-ari na si Mrs. Lee.

Simula raw kasi nang dumating siya, lumakas ang benta sa kanyang tindahan.

Masaya rin si Sally.

Mabait kasi ang may-ari.

Sa pagganda ng takbo ng kanyang negosyo, hindi pinababayaan ang kanyang mga tauhan.

Nagbibigay siya ng increase.

Bandang hapon kung kailan malapit na ang labasan, nagkaroon nang hindi inaasahang panauhin si Sally.

Ang bestfriend na si Tina.

Kahit na nagkaroon sila ng konting misunderstanding, balewala iyon sa kanila.

Sabik silang nagyakap.

Itinuloy nila ang kuwentuhan sa isang ice-cream house nang lumabas na si Sally sa pinapasukan.

Pero bago sila pumasok dito, tinext ng babae si Jason na sa kinaroroonan siya puntahan.

Nagulat si Sally sa dalang balita ni Tina.

Tapos na raw ang kanyang kontrata kaya tapos na rin ang relasyon nila ni Brix.

Babalik na raw siya ng Pilipinas. ITUTULOY

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply