KAPRITSO NG LAMAN (Ika-29 Labas)

MALUNGKOT ang pagbabalik-bayan ni Tina.

Wala na kasi siyang pamilya na babalikan.

Ibinaling na ng asawa ang pagtingin niya at pagmamahal sa ibang babae.

Wala na itong pakialam sa kanya at hindi niya ito puwedeng sisihin.

Ganito kalupit ang karma.

Noon kasing nasa Taipei pa siya, may kinakasama siyang lalaki at parang mag-asawa ang turing nila sa isa’t isa.

Ginawa niya ito para hindi siya malungkot …

Para may magpupuno sa kanyang pangangailangan bilang babae tuwing susumpungin ng katutubong libog.

Pero hindi niya puwedeng makatuluyan si Brix dahil may sarili rin siyang pamilya na naghihintay sa kanya.

Liban na lang kung tulad ng asawa ay naisipan namang pumatol ng misis nito sa ibang lalaki.

Umuwi na siya sa kanilang bahay na walang imik.

Pagdating dito, pumasok siya sa kuwarto.

Ang dahilan niya, napagod siya sa biyahe at gusto niyang magpahinga.

Hinayaang magkagulo ang mga kapatid at kamag-anak sa kanyang mga pasalubong sa labas.

Pero hindi siya makatulog…

Sinusurot siya ng kanyang konsensiya at sakbibi ng matinding pangungulila.

Kinabukasan na siya lumabas.

Naligo at nagbihis si Tina.

Naglagay ng ilang shampoo, sabon at canned goods sa isang plastic.

Tutuparin niya ang pangako kay Sally.

Pupuntahan niya ang asawa nito na si Jude.

Ibibigay niya rito ang kunwari’y padalang pera ng kaibigan na three hundred dollars.

Ayaw niyang pagtinginan siya ng mga kapitbahay kaya nagtaksi na lang si Tina.

Hanggang sa makarating siya sa lugar nina Sally.

Ordinaryong subdibisyon lang ito.

Maayos naman ang bahay ng kaibigan…

Ang tanong, maayos din naman kaya ang loob?

Lalaki na lang kasi ang nakatira rito at walang babae na mag-aayos at maglilinis sa loob.

Nang makababa siya sa taksi, tumawag siya sa labas.

Kahit sarado ang pintuan, alam niyang may tao sa loob.

Nakaparada kasi sa labas ang motorsiklo ni Jude.

Nang wala pa ring reaksiyon mula sa loob, marahan siyang kumatok.

Hindi naglipat saglit at bumukas ang pintuan.

Lumabas ang pupungas-pungas pang si Jude.

Anyong bagong gising pa lang ang lalaki.

Natawa si Tina.

“Tanghali na, tulog ka pa. Ang sarap talaga nang walang iniintindi, no!” biro niya.

Pinatuloy siya ni Jude.

“Tanghali ako kung magising kasi mag-uumaga na naman ako kung makatulog. Hindi masarap mabuhay mag-isa, malungkot,” sabi sa kanya ni Jude.

Hindi nagsalita si Tina.

Tama kasi ang lalaki.

“Hindi ko alam na nagbalikbayan ka na pala. Kumusta na si Sally? Hindi ba sa condo mo siya nakatira sa Taipei?” tanong ni Jude.

Nag-imbento ng dahilan si Tina.

“Naroon pa rin siya pero huwag kang mag-alala dahil may kasama siya. Kapwa babae na isang taga Samar at taga Bicol naman ang isa,” sabi niya.

Matapos ang sinabi, iniabot niya ang pasalubong kay Jude.

Binuksan ang kanyang bag ang three hundred dollars na kunwari’y padala ni Sally.

“Thank you, Tina. Nakakahiya naman sa asawa ko. Parang ako ang sinusustentuhan niya,” kiming sabi ng lalaki.

“Talagang ganun. Sa buhay may-asawa, kung sino ang meron ay siyang magbibigay,” sagot naman ng babae.

Biglang iniba ni Jude ang usapan.

“Kumusta na ang mister mo? ‘Di parang bagong kasal kayo pagdating ninyo!” biro ng lalaki.

Malungkot na ngumiti muna si Tina bago nagsalita.

“Wala ka pa bang nababalitaan sa nangyari sa marriage namin ni Fred?” tanong ng babae.

“W-Wala akong alam. Bakit, ano ba ang nangyari?” sabik na tanong ng lalaki. ITUTULOY

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply