KAPRITSO NG LAMAN (Ika-30 Labas)

“HIWALAY na kami ni Fred. Sumama na siya sa ibang babae,” malungkot na kuwento ni Tina kay Jude.

Gulat na napanganga ang lalaki sa nalaman.

“P-Pero bakit?” hindi makapaniwalang tanong.

“Siguro’y kasalanan ko rin! Matagal kasi akong nawala kaya sa labis na kalungkutan ay naisipan niyang maghanap ng iba,” malungkot na sabi ni Tina.

Hindi nagsalita si Jude.

Ang naranasan kasi ng asawa ng kaibigan ay unti-unti na rin niyang nararamdaman.

Dinaan pa rin niya sa biro ang lahat.

“Akala ko pa naman, galing ka sa hanimun ngayon!” sabi ni Jude.

Mahinang tumawa si Tina.

“E, ikaw… kumusta na ang sexlife mo?” maya-ma-ya’y ganting tanong ng babae.

Si Jude naman ang mahinang tumawa.

“E, di bokya!” aniya. “Ang hirap pala ng malayo ang asawa. Dati gabi-gabi ay may nayayakap ako sa pagtulog pero biglang nawala.”

“Hindi na ako magtataka kung isang araw ay mabalitaan ko na may ibang babae ka na rin na ipinalit kay Sally,” sabi ni Tina.

“Hindi ko alam. Mahirap magsalita nang tapos,” pailing-iling na sabi ni Jude.

Nang biglang mapatayo ang lalaki dahil sa naalala.

“Hindi man lang kita napainom ng kape o softdrinks. Sandali, ha!” sabi niya.

“Huwag mo na akong intindihin. Hindi ka pa nag-aalmusal, e! Ang sarili mo ang iyong asikasuhin!” sagot ni Tina.

“Nag-almusal ka na ba?” tanong ni Jude.

“Wala akong gana. Nagkape lang ako!”

“Kung gayun, dito ka na kumain para may kasabay ako. Sandali lang at maghahanda ako ng almusal natin,” sabi ng lalaki at mabilis na humangos patungo sa kusina si Jude.

Sumunod si Tina sa una sa kusina.

“Hindi mo naman ako bisita kaya ako na lang ang magluluto. Ang mabuti pa, maligo ka na lang at tiyak na pagkatapos mo ay luto na ang almusal,” sabi ng babae.

“Wow! I like your idea. At least, naranasan kong muli na may kasama ako sa bahay,” masayang sabi ng lalaki at humangos na patungo sa banyo.

May stocks naman sa ref si Jude.

May sausage, ham at egg. Meron ding juice.

Pero mga mukhang ‘di nagagalaw.

Gustong isipin ni Tina na baka si Sally pa ang nag-grocery ng mga ito para sa asawa bago umalis pero dahil tamad magluto kaya sa labas na lang kumakain ang lalaki.

Nagluto ng espesyal na almusal ang babae.

Kaya naman nang lumabas sa banyo si Jude, hindi makapaniwala.

“Wow! Parang nabuhay si Sally sa bahay na ito. Ang sarap ng food!” palatak ng lalaki.

“Kumain ka na! Hamo at paminsan-minsan ay dadalawin kita rito para ipagluto ng pagkain,” sabi ni Tina.

Masayang dumulog sa mesa si Jude.

“Babalik ka pa ba sa Taiwan?” tanong ng lalaki sa babae habang sila ay kumakain.

“Parang tinatamad na ako. Since na masira ang marriage life ko, tinatamad na akong magtrabaho. Tama na lang siguro ang naipon ko. Puwede na akong mag-start ng maliit na business para mabuhay ako,” sagot ni Tina.

Hindi nagsalita pa si Jude. Nagpatuloy na sa pagkain.

Habang sumusubo, pasulyap-sulyap siya kay Tina.

Napuna siya ng babae.

“Bakit, may dumi ba ako sa mukha?” tanong niya.

“Wala! Nanghihinayang lang ako at naiinis sa mister mo!” sagot ni Jude.

“Bakit?”

“Maganda ka at masipag pero nagawa ka pang ipagpalit sa iba. Ano kayang meron ang babae niya ngayon na wala ka at nagawa kang palitan?”

Hindi umimik si Tina.

Hindi niya puwedeng sabihin ang totoong dahilan …

Na hindi siya naging mabuting asawa.

Naging marupok siya at nakisama sa ibang lalaki habang nasa ibang bansa. Alam niya na ang ginagawa niya sa Taipei, nakarating sa kaalaman ni Fred kaya naisipan siyang gantihan.

“Iba na lang ang pag-usapan natin. Nalulungkot ako, e!” sabi niya kay Jude. ITUTULOY

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply