KAPRITSO NG LAMAN (Ika-45 na labas)

HINDI rin pinaligtas ni Sally na magkuhanan sila ng larawan ni Jason sa tabi ng giant “Working flower clock.”

Binubuo ito ng mga buhay na halaman pero gumagalaw tulad ng orig na orasan at nagbibigay ng tamang oras.

Na-touch naman siya pagdating nila sa ‘Small water falls.”

Very romantic ang dating.

Ideal para sa mga mag-sing-ibig na gustong magpalipas ng oras sa lugar na iyon.

Masayang nagkuhanan din sila rito ng larawan.

Sweet na sweet ang dalawa at paminsan-minsan ay hindi nila maiwasang magtukaan.

Habang nagkakatuwaan ang dalawa, may napansin si Sally.

Isang lalaki na tila kanina pa sila pinagmamasdan.

Hindi naiwasang tingnan ito ng babae para kilalanin.

Nanlaki ang kanyang mga mata nang ito ay makilala at hindi niya naiwasan na biglang kabahan.

Si Edward …

Pinsan ng asawang si Jude.

May kasama itong babae pero hindi mukhang Pinay.

Ngumiti ito nang mapansin na tinitingnan siya ni Sally.

Napilitang lapitan ito ng babae.

“B-Bakit ka narito? Dito ka rin ba nagwo-work?” tanong niya.

“Two years na. At malapit na akong magbalikbayan!” sabi nito.

Lumapit sa kanila si Jason nang makita silang nag-uusap.

Napilitang ipakilala ng babae ang kasama.

“Si Jason, friend ko rito sa Taipei,” pakilala niya kay Edward sa kasama.

Ipinakilala naman niya ang huli sa una bilang malapit na kamag-anak.

Nagkamayan ang dalawang lalaki.

Matapos ito, lumayo sa kanila si Jason para magkaroon sila ng pagkakataong

mag-usap.

Nag-picture taking na lang siya sa kalapit.

Buking si Sally.

Alam niya na nakita sila ni Jason habang nagtutukaan.

Ano pa ang dapat niyang ipaliwanag kay Edward.

“Hindi ka rin nakatiis, ano!” nakangiting sabi ng lalaki. “Humanap ka rin ng libangan dito sa Taipei.”

Napatingin ang babae sa lalaki.

Nakikiusap ang mga mata.

“Pareho lang tayo. Nakita mo ang babaeng Taiwanese na kasama ko? Siya ang inaasawa ko rito sa Taiwan. Pag-uwi ko, tapos na kaming dalawa,” nakangiting patuloy ni Edward.

“Ikukuwento mo ba kay Jude na nagkita tayo rito sa pasyalang ito?” kinakabahang tanong ng babae sa lalaki.

“Why not?” sagot ni Edward.

“P-Please ….”

“Don’t worry. E-Edit ko na ang kuwento. Pero huwag ka ring magkukuwento sa misis ko tungkol sa nakita mo pag nagbalikbayan ka na!” sabi ng lalaki.

“Salamat!” sabi ni Sally.

Natapos ang kanilang pag-uusap nang magyaya na ang kasama ni Edward.

Nagpaalam na ang lalaki pero kinuha ang cellphone number ng babae bago sila lumayo ng kasama.

Nang wala na sila, bumalik sa kanyang tabi si Jason.

“Baka idaldal ng pinsan mo sa Pinas na nakita kang may lalaking kasama sa pamamasyal dito sa Yangmingshan,” sabi ng binata.

“Sabi niya, walang pakialamanan. May ginagawa rin naman siyang milagro rito,” sagot ni Sally.

“Paano ka nakasisiguro? Lalaki iyon. Walang mawawala sa kanya kahit may makaalam na may ginagawang milagro ang pinsan mo. Pero ikaw, babae ka. Malaki ang mawawala sa iyo oras na may makaalam na may kina-kasama ka rito sa Taipei,” sabi ni Jason.

Hindi nakaimik si Sally.

May punto kasi ang lalaki.

Lalo na’t hindi naman siya ang tunay na pinsan ni Edward kundi ang asawa niyang si Jude.

Bigla siyang namroblema.

Sinamantala naman ng binata ang pagkakataon para ipasok ang nabuong plano.

“Pero huwag kang mag-alala. Kung magagalit sa iyo ang mister mo at hihiwalayan ka, gawin na nating permanente ang ating pagsasama. Magpapakasal tayo rito sa Taipei, Sally,” pormal na sabi ni Jason. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply