Kapulisan dapat magtrabaho

HINDI ko malaman kung saan hinuhugot ng Department of Tourism (DOT) ang kumpiyansa nito na aabot pa rin sa apat na milyong dayuhang turista ang dadalaw sa Pilipinas sa taong ito.

Bilang isang Pinoy ay proud ako dahil talaga namang maraming magagandang tanawin dito sa Pinas na puwede nating ipagmalaki sa sinomang dayuhan na pupunta dito sa atin.

Pero hindi lang naman magagandang tanawin ang factor o batayan para dumayo at mamasyal sa ating bansa ang mga dayuhan.

At isa sa mga pangunahing batayan para pumunta dito ang mga turista ay ang pangkalahatang peace and order situation sa buong bansa.

Bagama’t kilala ang mga Pinoy sa buong mundo sa pagiging masayahin at maasikaso sa mga bisita, hindi rin naman maikakaila na marami rin sa ating mga kababayan ang salbahe at mapagsamantala sa kapwa.

Dala na rin siguro nang kahirapan sa buhay kung kaya’t napipilitan ang ilan sa ating mga kababayan na gumawa nang masama hindi lamang sa kapwa nila Pinoy kundi maging sa mga dayuhan.

Hindi na bago sa atin ang makarinig ng balita tungkol sa mga turistang nabiktima nang holdap kahit kagagaling lang sa airport at gayundin naman ang mga dayuhang tinitira ng mga miyembro ng Salisi at Ativan gang.

Naglipana rin ang mga kidnap for ransom group na karamihan ay nag-o-operate sa Mindanao region pero may ilan-ilan ding nakabase sa malalaking lungsod kabilang na rito sa Metro Manila.

Kamakailan lang, ilang dayuhan ang nabiktima ng mga kawatan sa Chinatown habang ginagawan nila ng documentary film ang pagdiriwang ng mga kababayan nating Tsinoy ng Chinese New Year.

Nitong nakaraang linggo naman ay dalawang European wildlife photographers ang dinukot ng hindi pa nakikilalang mga bandido habang kumukuha nang litrato ng mga ibon sa lalawigan ng Tawi-tawi sa Mindanao.

Hanggang sa ngayon ay patuloy pa ring hinahanap ng mga awtoridad ang lugar na pinagdalhan ng mga bandido sa mga biktima.

Ilan lamang iyan sa halimbawa nang mga kasong kinasangkutan ng mga dayuhan at bago pa ang mga iyan ay hindi na mabilang ang gaya nila na naging biktima na rin ng iba’t ibang uri ng krimen dito sa bansa.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply