Kaso ng ketong dumarami

DUMARAMI ang kaso ng sakit na ketong sa Pilipinas.

Ito ang katotohanang iniulat ni Health Secretary Enrique Ona  sa isang news conference sa World Health Organization Western Pacific Office sa Maynila.

Sa ulat ni Ona, sinabi nitong naitala sa bansa ang 2,041 mga bagong kaso ng ketong na nangangahulugang 0.31 porsiyento insidente sa bawat 10,000 katao.

Sa kabila na ang sakit na ketong ay kinukunsiderang natuldukan na sa bansa, may mga lugar pa rin na naging hotspot  sa nabanggit na sakit matapos rumehistro ang Pilipinas na may pinakamataas na bilang ng mga bagong kaso sa Kanlurang Pasipiko noong 2010, ayon sa WHO.

Ayon naman kay dating  Health Secretary Alberto Romualdez, ang mga lugar na hotspots sa ketong sa Pilipinas ay Ilocos Sur, Tarlac, Nueva Ecija, Cebu City, Davao City, Tawi-tawi, Sulu at Metro Manila.

Pinamumunuan ni Romualdez sa kasalukuyan ang Culion Foundation, isang  non-government organization na nagsasagawa ng mga paraan para maiwasan at makontrol ang mga nakakahawang mga sakit gaya ng ketong.

Sa bansang China na may 1.3 bilyong populasyon, may naitalang 2,000 bagong kaso ng ketong ayon sa datos ng WHO. Kinukonsidera ng WHO na wala na ang epidemya sa ketong kung ang mga kaso ay isa na lamang sa bawat 10,000 populasyon.

Ang mga ulat ay pinalabas sa tatlong araw na WHO Western Pacific regional meeting of national leprosy program managers na nagsimula noong Lunes (Pebrero13).

Sa WHO Western Pacific Region Leprosy Fact Sheet, may 5,055 bagong kaso ng ketong at 8,386 kaso ng mga pasyenteng may ketong ang sumailalim sa paggagamot noong 2010.

“Nagagamot ang ketong. May mga gamot. May kaalaman  at kaya nating pahintuin ang pagkalat ng naturang sakit,” ayon kay Dr. Shin Young-soo, WHO regional director sa Western Pacific. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply