Kawalan ng quorum sa Kamara inalmahan

HINDI na palalagpasin pa ng minorya ang palagiang kawalan ng quorum sa Kamara de Representantes dahil sa impeachment trial sa Senado.

Sa lingguhang press conference ng Minority bloc, kinumpirma nina House Minority Leader Danilo Suarez, Deputy Minority Leader Mitos Magsaysay at Siquijor Rep. Orlando Fua na mula nang pasimulan ang impeachment ay wala ng matinong pagtalakay ng mga panukala ang mga kongresista dahil sa kawalan ng korum.

Dahil dito, nanindigan ang minorya na kanilang kukuwestyunin sa plenaryo ang kawalan ng quorum at palagiang pagliban ng mga kongresista dahil sa pagdalo sa impeachment trial, simula noong Enero 16.

“We never had a quorum since we open last January 16 when the impeachment trial started. This is totally counter-productive,” binigyang diin ni Suarez.

Sinabi naman ni Magsaysay na kapuna-puna rin aniya sa mga committee hearing sa Kamara kung saan ang normal umanong nangyayari ay sa pagsisimula pa lamang ng taon ay naghahabol na ang mga kongresista sa kabi-kabilang pagdinig.

“Usually pag start of the year, naghahabol kami kasi nga nag-break kami ng matagal, so dapat pagbalik namin dito sa Congress ay marami kaming bills na nabinbin last year but apparently even in the plenary if you look at the order of the day ay halos wala rin naman kaming dini-discuss. We always adjourn prior to 6:00 o’ clock yata,“ pahayag ni Magsaysay.

Tinukoy din ni Suarez na tuluyan ng nakaligtaan ang pagtalakay sa mga prayoridad na panukala gaya ng Freedom of Information (FOI) Bill at Reproductive Health (RH) Bill at iba pa.

Nakarating din sa kaalaman ng minorya na nagpupunta ang mga kongresista sa Senado bilang pagsuporta sa impeachment trial ni Corona na siya na ring nagmimistulang attendance ng mga ito.

Ngunit inalmahan ni House Majority Leader Neptali Gonzales II ang nauna ng pahayag ni Albay Rep. Edcel Lagman na napapabayaan na ang gampanin ng mga kongresista sa plenaryo dahil presente ang mga ito sa impeachment trial.

Inihalimbawa ni Gonzales na ang impeachment complaint laban kay Associate Justice Mariano del Castillo na nakabinbin sa House Committee on Justice ay suspendido lamang dahil pinag-aaralan umanong mabuti ang reklamo laban dito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply