Kaya mo ba, CJ Corona?

ANG sabi sa telebisyon:. “SC Chief Justice on trial.” Ang sabi ng Puno’t Dulo: Mali! Ang pamantayan ng bansa ang “on trial.”

Si Supreme Court Chief Justice Renato Corona ang pinakamataas na opisyal ng pinakamataas na korte sa bansa na nagtatakda ng pinakamataas na pamantayan sa etika, katarungan, at moralidad.

Noong una pa lamang ay dapat isinuko at inilantad na ni CJ Corona ang lahat ng bagay na puwedeng pagsurian sa kanya, ke SALN at mga doku-mentong importante sa kaso.

Ito ay pagpapakita na “no one is above the law,” lalo na kung ikaw ang sentro ng isang pagsisiyasat. Mas lalong dapat mong isuko ang sarili dahil ikaw ay ‘di lang public servant , ikaw ang pinakahuwaran ng pagpa-pakakumbaba.

Kung ang pinakamataas na opisyal na pangunahing bantay sa etika, katarungan, at moralidad ay parang “untouchable,” ibig sabihin ay hindi buo ang pananalig nito na sa kalaunan ay lalabas na malinis siya, na wasto ang kanyang mga ginagawa.

Ang ganito kataas na opisyal  ng hukuman ay di lang dapat malinis, dapat pinaniniwalaan ng taumbayan na malinis siya.

Sa simula pa lang ay umaatikabong debate na tungkol sa puwede bang ilabas ang SALN o mga idineklara niya sa gob-yerno na asset, liability at net worth. Buong giting na lumalaban ang depensa para hindi mabuksan ang SALN. Ngayon naman, katakot-takot na ang maniobra upang ilabas ang laman ng dollar account ni CJ Corona. Takbo naman depensa sa Supreme Court, hiling ni CJ Corona: “Huwag!”

At ang pinakamatinding  hiling ay itigil na ang paglilitis sa kanya. Aray ko po!

Di ba ang sabi, “Ang katotohanan ang magpapalaya sa iyo?” Eh bakit ganito ang tindig mo, CJ?

Ang nililitis dito ay ang bayan: kung napahinog niya ang kanyang mga institusyon, kung nakapagpaluwal siya ng mga mamamayan na kayang tumayo sa pinakamataas na posisyon sa hukuman para ma-ging huwaran ng matatag na etika, katarungan, moralidad.

At kayang magpakumbaba. Kaya mo ba, CJ?

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply