Kelot natagpuang patay sa sementeryo

PALAISIPAN sa mga awtoridad kung nagpakamatay o pinatay ang isang 52-anyos na polio victim nang matagpuang may tama ng saksak at nakahandusay sa harap ng isang musuleo ng umano’y kamag-anak nito sa Manila North Cemetery sa Blumentritt, Sta.Cruz, Manila kaninang umaga.

Nakilala ang biktimang si Amando Capco, 52, matandang binata at tambay ng Dayang Dayang Street, Maharlika Subdivision, Taytay Rizal.

Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang mapangalanan ang hindi pa nakikilalang suspek habang nangangalap ng mga testigo sa ikalulutas ng kaso.

Batay sa ulat, dakong alas-6:00 ng umaga nang madiskubreng patay ang biktima na may tama ng saksak sa dibdib sa 1st Street sa tapat ng isang musuleo na pag-aari ng kanyang kamag-anak.

Nabatid sa report ng pulisya, ilang mga bata ang nakadiskubre sa nakahandusay na biktima kaya agad nila itong ipinagbigay alam sa isang caretaker na si Dick Manahan, na siya namang nagreport sa nakatalagang sekyu ng City Hall Sercurity Force, bago iniulat ito sa Manila Police District-Homicide Section.

Sa ngayon ay blangko ang pulisya sa kung sino ang dapat managot sa krimen pero isa sa caretaker ng sementeryo ang nagsasabing may problema umano ang biktima at maaaring ito mismo ang gumawa ng pagsaksak sa sarili.

Napag-alaman pa na madalas umanong nananatili  nang ilang araw sa sementeryo ang biktima at sa pagsisiyasat ng pulisya ay nakita ang isang jungle bolo sa tabi nito at ang kanyang saklay.

Ang bangkay ay inawtopsiya sa Cruz Funeral Morgue habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente. Rene Crisostomo

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply