Killjoy si Bishop at overpricing sa condom

MASAYA ang maraming nagmamahalan sa mga araw na ito.

Palibhasa, araw nina Valentino at Valentina.

‘Yun bang === mga nagmamahalan.

Pansamantalang kinalilimutan ng mga ito ang mga problema ng iba gaya ng impeachment na yan.

Inuubos man ng mga senador, kongresman at taga-Palasyo ang kanilang mga oras sa sarili nilang mga away, ang sarili namang buhay ang hinaharap ng mga magsing-irog.

KILLJOY SI OBISPO

May obispo na nagsasabing dapat ipagbawal ang pamimigay ng condom sa araw na ito.

Masisira kasi umano ang kautusan ng kalangitan na dapat magparami ang tao.

“Go and multiply,” sabi raw kasi ni Bathala.

Hindi “do not go and do not multiply.” Hehehe!

SINGLE SHOT LAMANG

Pero may pasabi namang maganda ang mga obispo.

Kung hindi na mapipigilan, dapat single shot lang.

Pumili lang ng iisang partner na iyong mamahalin “ in sickness or in health, for richer or for poorer, till death do us part.” Hek-hek-hek!

MAGANDA ANG KINA BISHOP

Sa totoo lang, mas maganda kaysa hindi ang sinasabi nina bishop.

Para sa nakararami, the more, the better and merrier ang isang pamilya.

Una, magiging balansiyado ang ugali ng mga bata kung binubuo sila ng mga lalaki at babae.

‘Yang pagmamahal at respeto ay napayayaman ng mga magkakapatid sa mga lalaki at babae hanggang sa labas ng pamilya kung nararanasan at naipakikita ang mga ito sa loob ng pamilya.

Ikalawa, walang kalatoy-latoy ang gobyerno sa pag-aalaga sa mga tumatanda.

Ang mga anak lamang ang inaasahan talaga na magmamahal at mag-aalaga sa mga tumatandang magulang.

Tingnan naman ninyo, wala akong natatandaan na alagaan ng gobyerno para sa mga matatanda.

WALANG ALAGAAN ANG GOBYERNO

Ang mga matatanda nga na nasa lansangan ay napakarami at namamatay na lang sila sa gutom at sakit sa gilid-gilid ng mga daan.

Saka lang sila kunyaring inaasikaso kung may mga turistang dayuhan o may mga miting ng mga lider ng iba’t ibang bansa.

Pagkatapos nito, kasama ng mga batang lansangan at batang nabubuhay sa ilalim ng mga tulay ang mga matatanda na namamalimos sa mga daan, simbahan at marami pang ibang lugar.

Palibhasa, pinalalayas sila sa mga harapan ng mga barangay hall, munisipyo, kapitolyo, Malakanyang at Kongreso.

KONTRA HIV/AIDS

Maganda rin ang payo ng mga obispo na single shot lang ang pagmamahal.

Kasi matitiyak mong walang dala-dalang malas yan.

Kung saan-saan ka lang pumik-ap at dinaraan sa pera ang pakikipag-ulayaw kahit sa Araw ng mga Puso, baka naman mapahamak ka lang.

Aba, ang dami, libo-libo na ang may HIV/AIDS sa mahal kong Pinas.

MULA SA WALO NAGING LIBO-LIBO

Mula lamang sa walong biktima sa Subic Naval Base ilang dekada na ang nakararaan dahil sa pagwawala ng mga Kano sa kanilang rest and recreation mula sa madugong digmaan sa Vietnam, ngayon ay libo-libo na.

At napakarami, mga Bro, ang hindi natin kilala na nagtataglay ng mga sakit na ito.

Nakatatakot ngang isipin na may nagmalaki noon na kung pagdurugtong-dugtungin lang ang mga manoy na kanyang nahipo, Valentine’s Day man o hindi, aabot sa Japan ang lahat ng iyon.

Huling nabalitaan natin na sinunog ang kanyang bangkay sa Jose Reyes Memorial Hospital makaraang magkasakit ito ng HIV/AIDS.

Kabilang na siya sa mga daan-daan nang namatay sa sakit na AIDS sa bansa.

Nanahimik na siya kasama ang isang sikat na aktor-DOM at sikat ding beautician na nagkasakit din ng HIV/AIDS sa dami ng kanilang minahal.

ISTAYL PASKO ANG V-DAY

Kung sa Pasko ay may Oplan Isnabero laban sa mga namimili ng mga pasahero na taxi o nangongontrata kaya, may katulad ding programa ang ilang siyudad sa bansa.

Hindi na natin babanggitin ang mga lugar na ito.

Pero ang importante, binubuksan ng mga kaukulang ahensiya ng gobyerno ang kanilang tanggapan para sa mga reklamo ng lovers sa mga araw na ito.

May mga nagsasamantala kasi, naniningil nang mahal sa mga pumupunta sa mga lugar ng pagmamahalan.

Hindi lang taxi ang binabantayan kundi maging ang mga bangka, ang mga cottage, ang mga habal-habal, jeepney at iba pang sasakyan.

Kasi hindi na lang sa mga motel nais maging maligaya ang mga nagmamahalan kundi sa mga ilang na lugar, isla, tabing-dagat at iba pa.

OVERPRICING SA CONDOM

Alam ba ninyo, mga Bro, na hindi lang ang mga bulaklak ang nagmamahal ngayon?

Pati pala ang mga condom ay nagmamahal din.

‘Yan ay kung walang baon ang mga mag-partner sa kanilang pagliliwaliw sa kalangitan.

May nabalitaan tayong nagtitinda ng condom na nagkakahalaga ng $4 bawat isa.

Magkano ito sa piso?

Eh, balita natin, P20 lang ang isang box.

Sabi ng mga mapagsamantala, may small size, may regular, may extra large at may super large.

Depende umano kung ano ang bibilhin at kung anong klase.

‘Yung ordinary, madali umanong mabutas at hindi na pupuwedeng ipa-vulcanize.

Dapat ngang bantayan ang mga ito ng mga pulis.

oOo

Anomang reklamo o puna ay itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply