Kotongerong MMDA consultant sinalo ni Tolentino

IMBES na bigyan ng kaukulang parusa ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang kanyang consultant ay tila dinepensahan pa niya ito matapos madakip sa akto ng pangingikil.

Ayon kay Tolentino, hindi sana magkakaroon ng lagayan kung legal ang mga ginagawang hakbang ng sinuman, lalo na ng outdoor advertisers at maging ng mga motoristang lumalabag sa batas trapiko.

Sinabi ni Tolentino na kung legal at may permiso ang mga outdoor advertiser sa mga inilalagay nilang billboards, hindi na nila kinakailangang mag-alok ng lagay na nagsisilbing tukso sa mga nagbabaklas.

Nauna nang nadakip sa entrapment operation ng mga tauhan ni Director Samuel Pagdilao, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group si Engr. Narciso Yamat, consultant at sinasabing malapit na tauhan ng MMDA chief makaraang ireklamo ng Powerads Intelli-concepts Advertising Corporation dahil sa panghihingi ng karagdagang lagay, kapalit ng hindi pagbabaklas ng kanilang billboards.

Sa reklamo ni Glenn Gatuslao, chief executive officer ng naturang advertising company, nakapagbigay na sila ng buwanang P20,000 kay Yamat mula noong Setyembre ng nagdaang taon upang hindi na baklasin ang kanilang billboards sa Makati City

Gayunman, inatasan aniya sila ng tauhan ni Chairman Tolentino na gawing P30,000 ang buwanang lagay simula Enero kaya humingi na ng tulong si Gatuslao sa CIDG na naging dahilan ng pagkakadakip sa engineer na tumatayong hepe ng Baklas Team ng ahensiya.

Kanina ay inilunsad na rin ni Tolentino ang panawagan sa publiko na i-text sa kanilang hotline na 0905-3989288 kapag may nakita silang tauhan ng ahensiya na gumagawa ng kabutihan upang mabigyan nila ng komendasyon.

Sa kabila nito, nagbigay din ng hotline number na 0929-4000572 si Tolentino na puwedeng pagsumbungan laban sa mga nakikita nilang umaabuso o humihingi ng lagay na kanilang tauhan bagama’t dapat aniya ay bigyan sila ng sapat na ebidensiya tulad ng video footages o larawan.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply