Lahat ay dapat mapanuri

MASYADO nang nabibitin ang lahat ng Filipino sa resulta ng pagsisiyasat na umano’y Independent Review Committee (IRC) na nilikha ng Department of Energy (DOE).

Hindi nga natin natitiyak kung nagtatrabaho ang mga ito. Wala kasing kabali-balita tungkol sa kanilang mga pinaggagagawa.

Mahigit apat na buwan na kasi ang nakalilipas nang inanunsyo ng gobyerno sa madla na may pag-asang bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo kung mapatutunayang nanlalamang ang mga kompanya ng langis, lalo na ang tinaguriang “Big 3” na binubuo ng Petron, Shell at Chevron.

Susuyurin umano ang pampinansyang rekord ng mga kompanyang ito upang tingnan kung iniisahan ng mga ito ang sambayanang konsyumer ng kanilang mga produkto.

Baka naman talagang sinisikreto, mga ‘tol, at bubulagain na lang tayo isang araw na may resulta na ng kanilang imbestigasyon. Sana ‘yung masayang bulaga ang tumambad sa atin.

Tama ang panawagan ng National Council for Commuters Protection (NCCP), sa pangunguna ng tagapangulo nitong si Elvira Medina – ilabas ang resulta at maghain ng mga rekomendasyon para sa kapakanan ng sambayanan.

Totoo ang sinabi ni Medina na abot-langit ang pagdududa ng mga tao na may sabwatan
sa presyuhan ng mga produktong petrolyo.

Malaki ang maitutulong kung lalagyan ng “transparency” o malinaw na pagsasapubliko
sa operasyon at presyuhan ng mga kompanya.

Tama rin na dapat ay may konsultasyon sa publiko, lalo na sa sektor ng transportasyon na tatamaan nang matindi, kung may pagbabago man sa halaga ng kanilang mga produkto.

Ito ang tamang aktitud ng sambayanan – ang maging militante at matapang, lalo na’t ang buhay at pangkabuhayan ang nakasalalay.

Kaya’t hinihikayat natin ang mga kababayan natin na sumali sa organisasyong tulad ng NCCP o magbuo ng sarili nilang watchdog group na magmo-monitor at titingin nang kritikal sa mga pangyayari sa paligid, lalo na sa isyu ng presyo ng gasolina at iba pang produktong pang-masa.

Dapat lang, di ba, mga ‘tol?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply