Lokasyon ng OFWs sa Syria ipaalam sa DFA

NANAWAGAN ngayon (Biyernes) ang pamahalaan sa mga Filipino na may kamag-anak sa bansang Syria na ipaalam sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang kinalalagyan ng kanilang mga mahal sa buhay upang matulungan ang mga ito na makalabas sa magulong bansa.

Ayon kay Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez, napapanahon na para ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan ang kinalalagyan ng mga naiipit na Pinoy sa lungsod ng Homs at mga bayan ng Hama, Dara’a at Idlib upang mapuntahan ang mga ito ng mga tauhan ng embahada ng Pilipinas sa Damascus.

Hinikayat pa ni Hernandez ang mga Pinoy na makipagtulugan sa kagawaran upang matiyak ang kaligtasan ng mga naiipit na Pilipino bunsod na rin ng tumitinding tensyon sa pagitan ng mga puwersang pabor at kontra kay Syrian President Bashar Assad.

Ayon pa sa tagapagsalita ng kagawaran, ginagawa na ng pamahalaan ang lahat ng pamamaraan upang matunton ang mga Pinoy sa Syria at mahimok ang mga ito na sumailalim sa sapilitang pagpapalikas na ipinatutupad.

Ani Hernandez, maaring tumawag ang mga kababayan na may kamag-anak sa Syria sa tanggapan ng Undersecretary for Migrants Workers’ Affairs sa telepono bilang (02) 834-3245 at (02) 834-3240 upang ipagbigay-alam ang lokasyon at contact details ng kanilang kaanak.

Mahigit 900 ang Pinoy na nailikas na ng DFA mula sa Syria matapos na itaas ng kagawaran noong Disyembre sa alert level 4 ang sitwasyon sa naturang bansa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply