LPG: ‘Lang panggatong

SABI nga ng komedyanteng si Jimmy Santos na mahilig, ngunit palpak, umingles: “Cooking is a part of life. If you don’t cook, you don’t eat. And if you don’t eat, you die!”

Kaya’t hindi natin masisi ang pag-alma ng milyon-milyong mamamayan dahil sa pagtaas ng P6 kada kilo o kabuuang P66 kada 11-kilong tangke ng liquefied petroleum gas o LPG simula ng buwang kasalukuyan.

Heto na nga’t nagbunganga na ang mga kababaihan, sa pangunguna ng grupong GABRIELA.

Siyempre pa, sino pa ba ang inaasahan ninyong aalma sa pangyayaring nabanggit kundi ang mga tagaluto sa mga tahanang Filipino?

Paano nga naman, natatakot silang matuluyan ang naghihingalo nilang badyet para sa pang-araw-araw na buhay ng kanilang pamilya.

Nagulat ang lahat sa pinakanakabibiglang pagtaas ng presyo ng LPG. Isipin mo nga naman, P66! Hindi biro ito sa milyon-milyong pamilyang halos hindi mapagkasya ang sweldo ng isa o parehong magulang.

Parang hindi pa sapat ang parusa sa taas ng presyo ng mga bilihin at bayarin sa kuryente at tubig.

Kahit nga ang mga kabataan, na karaniwan ay ang pabaon lamang ang iniisip, ay naramdaman na rin ang pagtaas ng halaga ng LPG at maging ang mga produktong petrolyo.

Ayan tuloy, tinadtad ng “paint bomb” ng mga kabataan, sa pamumuno naman ng Anakbayan, ang oil depot sa Pandacan sa Maynila.

“Ganid sa tubo.” Ganito nila inilarawan ang mga dambuhalang kompanya ng langis, partikular ang Pilipinas Shell na umano’y tumubo naman pala ng $30.92 milyon noong nakaraang taon. Dolyares ‘yan, mga kasama, at hindi piso.

Mabuti pa noong ako ay tinedyer pa lamang. De-kahoy ang aming lutuan. Di kailangang gumastos upang makapagluto at makakain.

Malakas pa ang katawan ko kasi tuwing umaga ay nagpapalakol ako ng panggatong na kahoy.

Wala nang ganitong opsyon ngayon. Wala na kasing punong maipanggagatong, lalo na sa urban na lugar tulad ng Metro Manila. Pagprotesta na lang siguro ang magagawa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply