Magic naubusan ng mahika sa Heat

INAKYAT ng Miami Heat ang top spot ng Eastern Conference matapos kaldagin ang Orlando Magic, 90-78 sa nagaganap na 2011-12 National Basketball Association, (NBA) regular season kaninang umaga.

Kumana si Dwyane Wade ng 27 puntos, anim na rebound, tatlong blocks at tig-dalawang assist at steal upang ilista ang 25-7 win-loss slate at maagaw ang liderato sa Chicago Bulls na ngayon ay may 25-8 panalo-talo karta.

Bumira si Wade ng 13 of 23 para magkaroon ng mahigit 50 porsiento sa shooting.

Nakapagtumpok din ng 25 points, 11 boards at walong assist si LeBron James upang itarak ang anim na sunud-sunod na panalo ng Heat kung saan lahat ay double digits ang lamang.

Tumulong din sa opensa si Heat bench player Udonis Haslem matapos sumalpak ng 10 pts., limang rebound at dalawang assist habang walong puntos ang ginawa ni Miami starting five Chris Bosh.

Si J.J Redick ang nanguna sa opensa ng Orlando na may 17 points habang ang kanilang ace player na si Dwight Howard ay nagtala lamang ng 12 puntos, 15 board at tatlong assist.

Samantala, muling nagpalabas ng tikas ang bagong pambato ng New York Knicks na si Jeremy Lin upang lupigin ang defending champion Dallas Mavericks, 104-97.

Nagtala ng 28 points at career high 14 assists si Lin upang bumangon agad matapos madapa sa New Orleans Hornets.

Sa ibang resulta ng laro sa NBA, lugmok ang Los Angeles Lakers sa Phoenix Suns, 90-102 habang nanaig sa overtime ang Oklahoma City Thunder laban sa Denver Nuggets, 124-118.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply