Mahusay ang PDEA

LUBHANG abala ang karamihan sa ating mga kababayan sa pagsubaybay sa numero unong teledrama ngayon na may pamagat na “Impeachment Trial of Chief Justice Renato Corona.”

Nakalilimutan na tuloy nila na maliban sa Senado ay may iba pa rin namang ahensya ng gobyerno na ginagawa ang tungkulin nila kahit hindi nabibigyan ng full media coverage.

At isa sa mga ahensya ng pamahalaan na maganda ang ginagawa sa ngayon ay ang Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA) sa pamumuno ni Director General Jose S. Gutierrez Jr.

Habang abala ang marami sa pagtutok sa mga kaganapan sa impeachment trial ay abala naman ang PDEA sa kanilang kabi-kabilang operasyon laban sa mga miyembro ng sindikato nang iligal na droga.

Nagsimula ang sunod-sunod na tagumpay ng PDEA ngayong taon na ito nang salakayin nila ang ilang magagarang paupahang bahay sa loob mismo ng exclusive na Ayala-Alabang Village sa lungsod ng Muntinlupa.

Dahil sa matindi at maayos na intelligence gathering ng PDEA ay naaresto nila ang ilang dayuhang Tsino na mga miyembro ng international drug ring Ayala-Alabang raid.

Nakakumpiska rin sila ng milyon-milyong halaga ng iligal na droga at drug precursors.

Pagkatapos noon ay sunod-sunod na ang mga matatagumpay na operasyon pa ang isinagawa nila na nagresulta rin sa pagkakahuli ng mga big time drug dealer.

Dahil sa mas mahigpit nilang kampanya ay sigurado akong maraming drug user at pusher ang napapraning ngayon dahil alam nila na sila na ang susunod na malalambat ng PDEA.

Napansin ko lang na karamihan sa mga huli nila ngayon ay iyong mga top level drug dealer pero parang napababayaan yata nila ang maliliit na mga tulak.

DROGA SA QC

Isang mensahe ang ipinarating sa akin ng isang mambabasa ng kolum na ito na iparating ko raw sa PDEA na laganap ang bentahan ng droga sa lugar nila sa Brgy. Botocan sa may Project 2, riyan sa QC.

Parang kendi lang daw kung magbentahan diyan ng shabu at tila wala naman daw pakialam ang lokal na mga opisyal ng barangay kaya tuloy laganap ang krimen lalo na ang nakawan sa kanilang lugar.

Ang alam ko ay nasa may likod lang ng Camp Karingal ang lugar na iyan kaya nagtataka naman ako kung bakit hindi alam ng mga pulis ang mga iligal na transaksyon diyan.

Sige nga, Gen. Gutierrez, sampolan mo nga ang mga astig na tulak ng droga riyan sa Botocan!

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply