Manila Cathedral isasara ng isang taon

IPINASYA ng Archdiocese of Manila na isarado ang Manila Cathedral sa Intramuros ng halos isang taon upang bigyang-daan ang pagsasagawa ng major repairs kasunod ng pagkakadiskubre ng mga bitak sa gusali na mapanganib sakaling magkaroon ng paglindol.

Nabatid na Pebrero 7 pa nang simulang isara ang makasaysayang cathedral matapos lumitaw sa pag-aaral na iprinisinta kay Manila Archbishop Luis Antonio Tagle na kinakailangan nito ng agarang pagkumpuni hindi lamang upang maipreserba ang gusali kundi para na rin sa kaligtasan ng mga taong nagtutungo rito.

Ayon kay Fr. Carlos Reyes,  civil engineer mula sa Ministry of Ecumenical and Interfaith Affairs ng Archdiocese of Manila, nagsagawa ng pag-aaral hinggil sa structural integrity ng cathedral ang Angel Lazaro and Associates International at natuklasan ang mga bitak dito.

Ilang columns at beams umano ang hindi nakapasa sa standards na itinatakda ng 2010 National Structural Code of the Philippines sanhi upang ideklara na itong hindi ligtas, partikular na kung magkakaroon ng lindol.

Napapanahon naman aniya ang pagsasagawa ng repair sa cathedral lalo na’t katatapos lamang ng 6.9 magnitude na lindol na tumama sa Visayas noong nakaraang linggo.

Ayon kay Reyes, ang repair at restoration work para sa cathedral ay aabutin ng P40 milyon.

Nabatid na may 200 magsing-irog naman na naka-iskedyul na magpakasal ngayong taon ang apektado ng pagsasara ng cathedral.

Bagamat sarado na ang simbahan ay inaasahang patuloy pa rin itong mag-a-accommodate ng mga kasal hanggang sa Marso.

Bumuo na rin ng task force ang Archdiocese of Manila na magpapaliwanag sa mga magpapakasal sa sitwasyon ng simbahan at tutulong para makahanap sila ng ibang church venue para sa kanilang kasal.

Ang kasalukuyang istruktura ng cathedral ay ginawa mula taong 1954 hanggang 1958 sa termino ni Manila Archbishop Rufino Jiao Cardinal Santos at may pitong repairs na itong pinagdaanan ngunit ngayon pa lamang isasagawa ang kauna-unahang major repair.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply