Manyak na bus driver

MASAKIT ang nangyari sa isang ginang na hindi na nakita at naihatid sa huling hantungan sa Isabela ang kanyang namayapang ama bagama’t nagtungo siya sa lugar.

Ito’y dahil sa naghangad siya na mabigyang katarungan ang pambabastos na ginawa sa kanya ng driver-conductor ng Florida Bus (BVJ-145) na kanyang sinakyan upang makarating sana sa libing ng mahal na ama.

Ayon sa ginang, nakatulog siya sa bus at nagising siya na bukas ang mga butones ng kanyang blusa at may nakahawak at humihipo sa kanyang dibdib. Bukas din ang siper ng kanyang pantalon kaya’t mabilis siyang bumangon at nagsisigaw patakbo sa harapan ng bus na minamaneho ng isa pang tsuper at sinabihan ito na itigil sa pimakamalapit na istasyon ng pulis. Namukhaan niya ang nagwalanghiya sa kanya. Medyo nakakalbo na ito.

Nagreklamo na ang ginang sa Santiago City police subalit hindi nakuha ng mga alagad ng batas ang pangalan ng manyak na driver dahil itinago ng mga empleyado ang pagkakakilanlan ng tsuper.

Nai-blotter na lang ang reklamo bagama’t umubos ito ng oras ng ginang. Nang magtungo siya sa bahay ng kanyang ama, huli na dahil naihatid na ito sa kanyang patutunguhan.

Humingi ng tulong sa University Belt Area (UBA) Police Precinct pero bigo pa rin ang mga pulis na matulungan siyang makuha ang pangalan ng suspek dahil sa labas pa lang ng kompanya ay hindi na sila pinagbigyan ng guwardiya.

Nagtungo rin ang biktima sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung saan inasikaso siya at kinuhanan ng salaysay. Subalit dahil walang police power, inirekomenda sa kanya na magtungo ulit sa pulis.

Sa tulong ng hepe ng Manila Police District-Station 4 commander na si Supt. Rolando Balasabas, nakuha rin ang pangalan ng manyak na driver. Si Fernando Gabba.

Dapat masampahan ng kaso ang driver-conductor na si Gabba at dapat ding umaksyon ang pamunuan ng Florida Bus Co. sa Earnshaw Boulevard sa Sampaloc, Maynila upang hindi na maulit ang kasong katulad nang pangmomolestiya sa pasahero. Dahil kung mananatiling pinagtatakpan ng kompanya ang kalokohan ng kanilang mga empleyado, mawawalan na ng tiwala ang mga pasahero at baka hindi na sumakay sa inyong mga bus.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan  ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175-814 o mag-email sa Santi _lean-11@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply