Mas maagang pagtatanim ng palay ikinakasa na

UPANG maalalayan ang mga magsasaka para makasigurong kumita, pinaplansta na ng Department of Agriculture (DA) ang mas maagang pagtatanim ng palay upang maparami ang ani at makamit ang layon na makapagsarili ng suplay sa susunod na taon.

Maliban sa DA, handa na rin ang mga magbubukid na nakikinabang sa dalawang malaking irrigation systems sa Hilaga at Gitnang Luzon na mag-adjust sa bagong cropping schedule ng mga palay.

Layon ng mas maagang panahon ng pagtatanim na makaiwas sa mga buwan na madalas manalanta ang mga bagyo at matiyak na magkakaroon ng ani sa mga lalawigan na nangunguna sa pag-produce ng palay.

Kabilang umano sa mga posibleng maibigay na tulong ng DA ang pagsasanay para sa paglilipat ng mga teknolohiya, paglalaan ng insurance, pasilidad na gagamitin pagtapos ng pag-ani, suporta sa pagbebenta sa merkado, at sistema para sa pagkakaroon ng mga insentibo na may kaugnayan sa mga bayarin sa serbisyo sa irigasyon.

Nanawagan naman ang National Rice Program para sa isang pambansang konsultasyon sa pagtatapos ng buwang ito upang mapag-aralan ang mga epekto ng maagang panahon ng pagtatanim sa lahat ng pambansa at pangkomunidad na sistema ng irigasyon at ang kaukulang mga sektor na maapektuhan nito partikular sa usapin ng pagtaas ng ani ng palay at kita ng mga magsasaka.

Matatandaang kamakailan lamang ay inanunsyo ni Agriculture Secretary Proceso J. Alcala na hinihikayat nila ang mga magsasaka na nakikinabang sa pambansang sistema ng irigasyon na maagang magtanim ng palay para maiwasan ang mga buwan ng Setyembre at Oktubre na kadalasang panahon na dumarating ang mga malalakas na bagyo sa bansa.

Sa ganitong paraan, mababawasan ang masisirang pananim at madadagdagan ang produksyon at kita nila.

Umaabot sa 190,000 ektarya ng may irigasyong sakahan ang masasailalim sa early planting scheme kung saan 110,000 ektarya ang nasasakop ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (NIA-UPRIIS) sa Pampanga habang ang natitirang 80,000 ektarya naman ang sineserbisyuhan ng Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) sa Cagayan Valley. Robert C Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply