Mas mahalagang laban ni Pacquiao

PAG-USAPAN natin ang isang isyu na importante hindi lamang sa sektor ng transportasyon kundi sa buong lipunan – ang seguridad sa pagkain.

Kailangan nang ibukas ang lokal na pamilihan sa mga isdang imported, ayon kay Director Asis Perez ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), dahil kumakaunti na ang bilang ng mga isdang nahuhuli sa ating mga dagat.

Sampu sa 13 malalaking bahagi ng ating karagatan ay nasasagad na. Sa madaling salita, ang bansa ay biktima na ng overfishing.

Maaaring isisi ito sa tratadong pinirmahan ng nakaraang administrasyon na nagbibigay pahintulot sa malalaking kompanyang nangingisda mula sa mga bansang Japan at Taiwan na mangisda nang walang puknat sa ating sariling mga dagat.

Ang ilang Filipinong kompanya sa pangingisda ay may ka-partner namang mga dayuhang kapitalista at ang mga nahuhuli nilang isda ay inilalabas sa bansa at ibinebenta sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Ang pangsariling sup-lay ng mga Filipino ang nagiging salat at tumataas ang presyo. Ang suliraning ito ay ramdam na ramdam ng mga komunidad na umaasa sa pangingisda para sa kanilang ikabubuhay, tulad ng mga residente ng Talao-Talao, isang mahirap na bayan sa  lalawigan ng Quezon.

Ang tanong ng mga nakatira roon tulad nina Teacher Rose, Nay Vening , Natz, Yumi at Popoy: Kailan susuporta ang pamahalaan sa mga komunidad na tulad ng kanila?

Naisip tuloy ng kolumnistang ito, kung mayroong isang kasapi ang Kongreso na dapat ay may pakialam ay si Sarangani Rep. Manny “Ang Pambansang Kamao” Pacquiao iyon.

‘Di ba’t  nagkaisip at lumaki siya sa General Santos City, ang Tuna Capital ng mundo? Kung tutuusin, mas mahalagang laban ito kaysa sa pakikipagbakbakan kay Floyd Mayweather o sinoman. Ang adbokasiyang ito ang isang dapat ipanalo ni Pacman.

Kung makapagsasalita lamang ang mga nanganganib na isda sa Gensan, sa Sarangani sa lahat ng dagat sa bansa, sila na mismo ang mananawagan ng: “Pacman laban na, para sa amin!”

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply