Mass wedding, inaping fotogs at isinusukang ex-kagawad

ARAW ng mga puso, taon-taon ay naglipana ang mga Mass Wedding.

Paborito ito ng maraming pulitiko para makapangampanya nang maaga.

Ang maganda nito, malaking bagay talaga na mailagay sa legal ang mga matagal nang pagsasamang hindi lehitimo, iyon bang nagsasama ng hindi kasal kahit sa huwes man lang kahit ‘di na sa simbahan.

Ito Ang Totoo: maiiwasan ang problema sa mga dokumento ng mga anak at mismo ng mag-asawa, kung kasal sila.

Malaking tulong ito kapag mag-a-abroad, lalo na kung magtatrabaho o mag-mimigrante ang isang tao dahil malinaw ang doku-mento ng pagkatao.

Malaking tulong din na maiwasan ang mga ba-gayan sa ari-arian ng mga tagapagmana o mismo ng nagsama, kung kasal sila, dahil malinaw ang isinasaad ng batas tungkol sa mga hatian.

Malaking tulong din ito sa pulitika ng mga pulitiko na makagamit ng salapi ng bayan para makapangam-panya nang maaga nang hindi masyadong halata.

Kung ikaw nga naman ang Mayor, ikaw na ang magkakasal, ikaw pa ang ninong, e daan-daan ang ikinakasal sa Mass Wedding taon-taon kaya huli ang boto ng mga ito, pati na mga kaanak at kapag sinusuwerte, pati mga kaibigan.

Okay na rin, siguro, basta masaya ang mamamayan.

Ang hindi okay ay nabahiran ng kaguluhan ang Mass Wedding ng mga pobreng magsing-irog sa Olongapo nitong nakaraang Valentine’s Day.

Nangangatal ang boses ni Jimmy Gabertan, pangulo ng Olongapo City Freelance Photographers’ Association (OCFPA) habang ikinukwento ang karanasan sa photo-video coverage crew ng pamilya ni ex-kagawad Edwin Piano.

Habang kinukunan ng litrato ng mga naghahanap-buhay na freelance photographers ang mga ikakasal sa Mass Wedding, walang pakundangang gumigitna ang grupo ni Piano.

Nang punahin ni Gabertan dahil nahaharangan ang mga photographer, buong kayabangang ipinangalandakan ng grupo ni Piano na sila raw ang “official coverage” at hindi pa nagkasya, buong lakas na ipinagtulakan si Gabertan, kaya ayun, nalaglag at nasira ang flashbulb ng pobreng ngayon ay namomroblemang mama.

Iyon lang ang hanapbuhay ng mga tao, pinagkakaitan pa.

Later, sinabihan umano si Gabertan ng mga guwardiya ng Olongapo City Convention Center na “official” ang grupo ni Piano dahil sa city hall daw.

Teka muna, itong anak at manugang ni Piano ay empleyado ng city hall? Ano ba ang trabaho nila kung sumusuweldo sila sa gobyerno, ang pag-photo/video coverage na may bayad na sinisingil naman nila? Tama ba iyon? Sakaling “official” at sa gobyerno nga kahit may bayad, hindi pa rin  dapat na inaalipusta ang maliliit na freelance photographers na tanging iyon lang ang pinagkakakitaan, hindi kagaya nina Piano na nakasuso sa city hall.

Konting respeto at kunsiderasyon naman sa maliliit na mamamayan.

Hindi kaya ang mga pag-aasal na ganyan ang dahilan kung bakit isinuka ng Brgy. Sta. Rita itong si Edwin Piano nang kumandidato sa pagka-barangay chairman nitong nakaraang eleksiyon? Akalain niyong dating kagawad ng lungsod si Piano e, inilampaso ng katunggaling si Jerome Bacay?

Ito Ang Totoo: May dahilan.

Matagal na rin na marami tayong natatanggap na reklamo laban kay Piano, may galing sa city hall mismo at pati mga kapitbahay niya sa Brgy. Sta. Rita.

Dapat, sabi ng mga Italyano: piano-piano. Sa tagalog, dahan-dahan. Huwag basta nananagasa ng kap-wa dahil hindi porke’t halos buong pamilya ay naka-angkla sa city hall, akala niyo kayo ay invincible. Ito Ang Totoo!

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Facebookhttp://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209055760

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply