Maternal mortality rate tumaas – DOH

NAALARMA ngayon ang Department of Health (DOH) sa biglaang pagtaas ng maternal mortality rate o ang mga buntis na namamatay sa panganganak sa bansa ngayon lamang buwan ng Enero.

Ayon kay DOH Center for Health Development- Metro Manila Regional Director Eduardo Janairo, kailangan itong matugunan upang hindi madagdagan pa ang bilang ng maternal deaths.

Batay kasi sa partial report ng Regional Surveillance and Epidemiology Unit (RESU), umaabot na sa 50 ang naitalang kaso ng maternal deaths sa Metro Manila.

Ang naturang kaso ay naitala sa Pasig (15 deaths), Makati (10), Valenzuela (8) at Las Pinas (5), Paranaque at Pasay (tig-4) at Navotas at Mandaluyong City (tig-2).

“We need to address and prioritize this concern immediately and provide immediate adequate resources, most especially safe blood facilities and services to prevent further maternal deaths. Collaborative effort is needed to step up the utilization of productive interventions like easy access to emergency obstetric care, increasing the number of birthing facilities with basic emergency management skills and access to reproductive health services,” ayon kay Janairo.

Mahalaga rin aniya na mayroong isang bihasang birthing attendant ang mga nanganganak dahil karamihan sa maternal deaths ay dulot ng hemorrhage o pagdurugo.

Giit pa ni Janairo, na kung palalakasin ang implementasyon ng National Voluntary Blood Services at titiyakin na mayroong sapat na suplay ng ligtas na dugo ang mga government health facility ay maiiwasan ang maternal deaths.

Aniya, ang maternal mortality ay tumutukoy sa pagkamatay sanhi ng kumplikasyon sa pagbubuntis at panganganak.

Ito ay nagaganap naman sa loob ng 42 araw matapos ang panganganak na dulot ng kumplikasyon mula sa pagdurugo, impeksiyon, unsafe abortion, hypertensive disorders, obstructed labor at unskilled o Traditional Birth Attendant (TBA).

Karaniwang sanhi ng maternal deaths noong 2010 sa National Capital Region (NCR) ay eclampsia (43%), hemorrhage (33%), medical complication (17%) at impeksiyon (7%). Ang ulat ay mula sa Field Health Service Information System.

Ayon pa sa health official, maaaring maiwasan ang naturang pagkamatay sa pamamagitan ng cost-effective health care services.

Hinimok naman ng regional director ang local government units (LGU’s) na suportahan ang maternal health program ng DOH sa pamamagitan nang pagbibigay ng malakas na polisiya sa pagtatatag ng mga birthing home, pagkakaloob ng tamang pagsasanay sa mga birth attendants at logistical services na magpapasilidad at titiyak na lahat ng babae ay may full access sa mga health services.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply