Matumal na negosyo dapat na asikasuhin

WALA tayong ginawa kundi ang umikot nang umikot para humanap ng pagkakakitaan o negosyo.

Ginagawa natin ito para mabuhay naman natin ang ating pamilya ng malinis at maayos.

Isa sa ating mga ginagawa ang mag-buy and sell dahil talaga namang magsasawa ka sa dami ng mga produkto sa ating paligid.

MATUMAL ANG NEGOSYO

Alam ba ninyo ang natagpuan natin?

Napakatumal ang negosyo. Gusto mong magbenta ng produkto, hindi naman gaanong mabili.

Paano kung perishable goods ang ibinebenta mo gaya ng mga isda, gulay, karne, walang preservative na pagkain at iba pa?

Lugi ang aabutin mo dahil sa pagkasira ng iyong paninda.

Hindi naman maaasahan ang pampalamig dahil masama sa gulay ang ma-freezer.

Kung pabalik-balik naman ang iyong isda o karne sa puwesto sa tindahan saka mo i-freezer ulit ang hindi mabenta, mag-aamoy anghit naman ang iyong paninda.

Lalong hindi  mabibili.

BAKAL, SEMENTO, GRABA

Alam ba ninyong maging ang bakal, semento, graba at yero ay matumal din?

‘Yang yero, ang nabibili ay ang mga segunda mano, marami ang butas at kinakalawang na.

Kung hindi lang ayaw kabitan ng kompanya ng kuryente ang bahay na itatayo ng ating kababayan, hanggang pawid at buho na lang ang materyales ng mga bahay ng marami.

O tagpi-tagping karton at plywood na basura mula sa konstruksyon.

Napakamahal na rin kasi ang yero, semento, bakal, alambre at graba.

Oo nga pala, ang graba, nagdoble na ang presyo dahil sa kotong sa mga quarry, expanded value added tax sa mga trucker at nagdoble na ring presyo ng diesel na gamit ng mga dump truck.

DAMIT, SAPATOS, TSINELAS

Naiisip din natin ang magbenta ng damit, sapatos, tsinelas, bag at iba pa.

Anak ng tokwa matumal din.

‘Yung gawang Marikina at Biñan na sapatos at sandalyas na talaga namang made in the Philippines, eh, matumal.

Napakatumal din ang damit at tsinelas.

Ipinagmamalaki natin ang mga damit na gawa sa pinya at bag at tsinelas na gawa sa abaka sa Bicol.

Pero matumal din.

Bakit? Naku ang daming made in UK.

‘Yun bang — ukay-ukay.

Ang mumura ng mga ukay-ukay: dalawa at tatlong singko ng damit, sapatos, tsinelas at bag.

PRODUKTONG BIKOL

Itong mga bag, tsinelas at pagkain mula sa Bikol, biglang nagmahalan kaya nagiging matumal na rin.

Nagmahal dahil presyong turista na ang mga ito.

Dinarayo na kasi ang Bicol dahil sa turismo sa lugar.

Nakabibili ang mga dayuhan ngunit hindi ang ating mga kababayan.

Maging ang mga produktong pili ay napakamahal na rin.

Paano natin maibebenta sa ating palengke ang mga ito upang kumita ang tindahan, tindera at mamumuhunan?

KLAB, BEERHOUSE MATUMAL DIN

Subukin ninyong mamasyal sa gabi, sa mga lugar na may patay-sindi at kumukuti-kutitap na ilaw.

Tiyak na may mga klab at beerhouse sa mga ito.

Unang mapapansin ninyo ang kawalan ng pila ng mga taxi.

Bihira rin ang mga sasakyan sa mga parking lot.

Ibig sabihin niyan, mga Bro, na matumal pati ang negosyong panghapi-hapi.

Subukan ninyong pumasok at makikita ninyo na yang agawan na  lang ng mikropono ang uso.

Wala nang  katabing GRO ang mga mahihilig kundi paisa-isang bote ng beer ang hawak at isang maliit na platitong mani.

‘Yung araw ng sahod na marami ang mga kostumer, hindi na uso.

Kaya marami na ring GRO ang napupuyat ngunit umuuwing luhaan.

Kaya nga walang pantaksi at ang mga kostumer ay susuray-suray
na lang at nakasasakay pa ng jeepney pauwi.

SILVER CLEANER ANG MABENTA

Kung meron mang mabenta, walang iba kundi ang pampaputi ng bituka.

‘Yun bang === silver cleaner.

Anak ng tokwa, pansinin ninyo ang ating mga ibinabalita sa ating diyaryo.

“Ama, minasaker ang misis at mga anak, naglason, todas!” Anak ng…kung titingnan ang lason, aba, silver cleaner.

“Ina naglason sa hirap ng buhay.”

Ano ang ginamit na lason?

Silver cleaner ulit.

TULONG NG GOBYERNO

Gusto nating hilingin ang tulong ng gobyerno para mapasigla ang negosyo at pagkakakitaan sa mahal kong Pinas.

Ano-ano ba ang pupuwede nilang gawin?

Mungkahi natin, gumawa ang mga opisyal ng paraan na sumigla ang kabuhayan ng mamamayan upang may ipambili naman sila ng kanilang mga pangangailangan.

Una rito ang paglikha ng gobyerno ng trabaho.

Ikalawa ang hindi pahirapan na panghihiram sa mga bangko at lending agency na para sa puhunan.

‘Yang kotong ay dapat din talagang durugin dahil hanggang salita lang ang marami sa gobyerno ukol dito.

Pero ang isa sa mga remedyo na rin ay ang pagbaka ng gobyerno sa mahal na langis, kuryente, tubig, pagkain, materyales sa bahay, gamot at iba pa na umaagaw sa napakaliit na kita ng nakararaming obrero, maging ng nakararami sa mga empleyado ng pamahalaan.

HAMON KAY PNOY

Malaking hamon kay PNoy ang pagpapasigla ng ekonomiya, hindi  lang para sa mga mayayaman kundi para sa mga ordinaryong mamamayan na nagsusumikap na mabuhay sa ligal at wastong paraan.

Kung magagawa nitong umusad ang kita ng nakararami, saan patutungo ang Pinas kundi sa kaunlaran?

Diyan magiging totoo ang pangakong “walang mahirap” sa kanyang administrasyon.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iatawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply