Mga akusado sa Ram slay tinaningan sa hirit na HDO, kanselasyon ng pasaporte

LIMANG araw ang ibinigay ni Parañaque Regional Trial Court (RTC) Judge Fortunino Madrona sa abogado ng mga akusado sa pagpaslang kay Ramgen Revilla upang magkomento hinggil sa hirit ni Janelle Manahan na maglabas ng hold departure order (HDO) laban sa kanila ang hukuman pati na ang kanselasyon ng kanilang pasaporte.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig kanina sa inihaing mosyon nina Atty. Resty Mendoza at Gilberto Espinosa, ipinaliwanag nila na may kakayahan ang mga akusado na umalis palabas ng bansa tulad ng ginawa ni Ma. Ramona Belen Bautista na lumipad patungo sa Turkey habang nasa kasagsagan ng imbestigasyon sa krimen kaya’t hinirit na nila ang kanselasyon ng pasaporte ng mga ito.

Sinabi ni Mendoza na isa rin sa hinihinging panuntunan ng Department of Foreign Affairs para kanselahin ang pasaporte ni Ramona at iba pang akusado ang paglalabas ng HDO ng korte kaya’t ito ang inaapura nila na maaksiyunan ng hukuman.

Kanina ay labis ding ikinabahala ni Manahan ang pagpapadala ng abogado ng mga akusadong sina Ramona at Ramon Joseph Bautista ng kopya ng inihain nilang petition for review sa resolusyon ng piskalya sa mismong address o kinaroroonan ng dalaga sa halip na sa tanggapan ng kanyang mga abogado ito ipadala.

Sinabi ni Atty. Mendoza na sa kabila ng pag-apruba ng Department of Justice na maisailalim sa Witness Protection Program ang kanilang kliyente, nakababahala na batid pa rin ng mga akusado ang kanyang kinaroroonan gayung alam naman ng marami na may banta na ngayon sa buhay ng kanilang kliyente.

Bagama’t normal na proseso sa litigasyon ang pagpapadala ng mga akusado ng kopya ng inihain nilang petisyon para sa pagrebisa ng resolusyon ng piskalya, dapat na ipinadala ito sa kanilang law office sa Suite 602 Richmond Plaza 21, San Miguel Ave. Ortigas Center, Pasig City.

Ikinatuwiran naman ni Genelyn Magsaysay na batid ng marami ang kinaroroonan ni Manahan kaya’t doon na nila ipinadala ang kopya.

Inatasan naman ni Judge Madrona ang abogado ng mga akusado na sa uulitin ay sa law office na ng abogado ni Manahan magpadala ng mga kopya na kaagad namang inayunan ni Atty. Jeffrey Gepte, abogado ng mga akusado.

Napag-alaman na may nakatakda namang pagdinig sa Lunes (Pebrero 6) kaugnay sa pagdadawit ni Manahan sa mag-asawang Gail at Hiro Furuyama sa tanggapan ni Assistant City Prosecutor  Lamberto Fabros na siyang pumalit kay Fiscal Leah Roma na nag-inhibit o bumitaw sa kaso.

Kumpiyansa ang kampo ni Manahan na mai-aakyat sa korte ang kaso laban sa mag-asawa upang mabasahan na sila ng demanda bago magsimula ang pre-trial sa Marso 1.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply