Mga illegal bus at jeep terminal

KAILANGAN sigurong gumamit ng ‘kamay na bakal’ ang gobyerno sa pagpapatupad ng batas para tumino ang trapiko sa Metro Manila.

Maraming dahilan ng  pagsisikip ng trapiko. At isa rito ay ang naghambalang na illegal terminals ng mga bus at pampasaherong jeep.

Sa Metro Manila, nagkalat ang illegal terminals. Partikular na maihahalimbawa ng Chokepoint ang mga nasa lungsod ng Caloocan.

Ang kaliwa’t kanang illegal terminals sa lungsod na ito ay ugat ng araw-araw na pinoproblema ng mga motoristang dumaraan dito.

Ilang lugar sa Monumento ay ginawang terminals dahil dito humihinto ang buses at jeeps na pumupulot at nagbababa ng pasahero.

Sa harap ng lumang Ever Gotesco at Puregold, nakabubuwisit ang mga jeep na humihinto sa lugar na ito para magsakay ng pasahero.

Magugulat ka, nagkalat naman ang mga traffic enforcer ng Caloocan City, pero ‘di sinisita ang mga driver na humihimpil dito.

Ang nakapagtataka pa, lantaran ang  pangongolekta ng ‘lagay’ ng isang ‘di kilalang tao sa mga humihintong jeep sa lugar. Pero, tila ‘di napapansin ng mga traffic enforcer na nakasuot ng kulay asul na damit na may nakatatak na letrang “RECOM’.

Sa Bustamante St. na makikita lamang sa gilid ng Grand Central, aba’y ang kalsadang ito ay talagang ginawa nang terminal.

Dahil dito, nagbababad ng matagal ang mga pampasaherong jeep para mamulot ng pasahero. Akala mo’y sa kanila na ang lugar.

Sa tabi ng Nice motel at ilan pang kalsada sa Monumento, mistula nang terminal ang mga ito dahil ginawa nang sakayan ng mga pasahero.

Isa pang dahilan ng lumulubhang problema sa lugar na ito ay ang nagkalat na istraktura at illegal vendors  sa sidewalks.

Akala mo’y nakaligtas ka na paglapagpas ng Monumento, pero sa dakong lugar ng Sangandaan, mas matindi ang sikip ng trapiko.

‘Go’ o green light  na ang traffic signal pero ang mga pampasaherong jeep, ayaw umusad dahil naghihintay pa ng sasakay na pasahero.

Sa matagal na panahon na ganito ang sitwasyon ng trapiko sa lugar na ito, baka puwedeng pakialaman na ni MMDA chairman Francis Tolentino. Dapat na siguro.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply