MMDA dapat bang armasan?

ITO ang pinag-uusapan ngayon ng iba’t ibang grupo kasama ang ilang miyembro ng Metro Manila Development Authority (MMDA) matapos ang mangyari sa kanilang kasamahan na si Raul Reuterez na binugbog ng mga motorcycle drag racers sa Macapagal Boulevard noong ika-18 ng Pebrero.

Ang traffic enforcer na si Reuterez ay nagmamanman sa kahabaan ng Macapagal Boulevard malapit sa Department of Foreign Affairs (DFA). Hindi pa malinaw kung ano talaga ang dahilan kung bakit siya binugbog ng umano’y mga drag racer. Ang isang aking narinig ay may huhulihin si Reuterez na rider dahil walang helmet ito. Sa kanyang paghabol ay tila nahirapan siya kaya nung makalapit na siya ay sadya daw binangga ang motorsiklo at sumemplang o tumumba ang nasabing rider at ito ang dahilan kung bakit rumesponde ang mga kasamang rider nito.

Ang aking ipinagtataka ay nasaan ang mga kasamahang traffic enforcer ni Reuterez habang siya’s binubugbog. Apat o lima daw silang enforcers doon pero walang rumesponde kay Reuterez.
Agad dinala si Reuterez ng kanyang mga kasamahan sa kalapit na San Juan de Dios Hospital sa Pasay City.

Ang tanong ngayon, dapat nga bang armasan ang mga MMDA traffic enforcers? Hindi dapat. Bakit? Dahil hindi po pinahihintulutan ng ating Saligang Batas iyan. Police visibility ang kailangan.
Ang insidenteng ito ay nangyari bandang 1:40 a.m. ayon sa naiulat. Hindi naman lihim sa nakararaming motorista na umuuwi ng madaling araw na makakita ng pulis sa labas ng mga night club, sa gasolinahan nagpapahinga o natutulog, o di kaya’y nasa isang busy intersection na sa aking palagay ay naghihintay ng mahuhuli imbes na mag mando ng trapiko sa madaling araw. Ang malas lang ni Reuterez dahil sa bahaging yon ng Macapagal Boulevard ay walang pulis nung mga oras na yon.

Isang problema pa, ayon kay MMDA Traffic Discipline Office chief Atty. Yves Gonzalez, “When we asked assistance from the Pasay police, we were pointed to the Parañaque police. When we approached the Parañaque police, they told us that the area is the jurisdiction of the Pasay police.
They should have done something,” he said. Nagtuturuan pa ngayon ang pulisya kaya naman hindi nakakapagtakang zero ang police visibility sa nasabing lugar.

Ayon kay Paranaque City Dist. 2 Councilor Benjo Bernabe mula Bradco Avenue hanggang Uniwide Coastal Mall ay sakop ng Parañaque. Mula Jetti gas station naman patungong World Trade Center ay Pasay City na ang nakakasakop.

Ang DFA ay nasa Macapagal corner Bradco Avenue. Hindi ba dapat Parañaque PNP ang may sakop nito? Dahil sa nasabing insidente ay magdadagdag na daw ng pulis sa lugar na iyan sabi ni Parañaque City Mayor Jun Bernabe.

Isa pang rason kaya hindi dapat armasan ang mga MMDA traffic enforcers ay dahil sa dagdag peligro ito. Bakit? Sa mga hanay na lang ng pulis ay may mga trigger happy, abusado, nananakot, at mahilig magdala ng baril kahit na off-duty at nasa night club o kainan na pag nakainom na ay nag-iiba ang takbo ng pag-iisip. Marami na rin ang nakaranas ng mga mayayabang at mga nananakot na MMDA personnel tapos aarmasan pa sila. Hindi naman mahirap intindihin ang salitang traffic enforcer diba? Ang crime prevention at peace-keeping ay trabaho ng pulisya.

*****

Sa pag ambush ng riding in tandem kay NBI Deputy Director Rey Esmeralda noong Martes ay huwag naman sana pag-initan na naman ang mga nakamotorsiklo. Uulitin ko po, trabaho ng pulis ang peace-keeping at pagtugis sa mga kriminal. Huwag niyo pong pahirapan ang ating mga riders.

* * *

Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Martes at Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 810 AM. Inaanyayahan ko din kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo. Sa kalakhang Maynila, ang Pinoy Extreme ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 33 and G-Sat ch. 7. Mapapanood rin ito sa iba’t ibang mga cable operators nationwide. Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o di kaya’y mag-text sa 0918-4479006. Salamat po!

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply