MMDA rescue team ipinadala sa Dumaguete City

BUMIYAHE na ang may 15-katao na mga bihasang miyembro ng rescue team ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) patungong Dumaguete City upang tumulong sa pagsagip sa mga biktima ng mapaminsalang lindol na tumama sa Western Visayas region kahapon (Pebrero 6).

Sakay ng Philippine Air Force C-130, nagtungo dakong alas-7:00 ng umaga kanina ang mga tauhan ng MMDA sa Dumaguete City upang manatili doon ng anim na araw at tumulong sa pagliligtas sa mga natabunan ng gumuhong lupa at gusali.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, nagpakadalubhasa sa pagsasanay sa ibang bansa sa pagliligtas at pagbibigay ng medical assistance ang mga ipinadala nilang grupo na kasama rin sa mga tumulong sa rescue operations sa Alaminos, Pangasinan, Kalibo, Aklan, Tuguegarao, Cagayan, Iligan at Calumpit, Bulacan.

Nagbitbit din ng kanilang mga sariling kagamitan ang grupo ng MMDA kabilang ang digging at demolition tools, search camera, first aid kits, tents, motosiklo, truck, ambulansiya at safety gear.

Bukod sa pagtulong, nagdala rin ang grupo ng water treatment facility upang magkaroon ng malinis na tubig na ipamamahagi nila sa mga biktima ng malakas na lindol.

Noong nakaraang Disyembre ay nagpadala rin ang MMDA ng mga bihasang tauhan na tutulong sa pagsagip sa mga biktima ng bagyong Sendong sa Cagayan de Oro at Iligan City.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply