Monopolya ng IT firm sa BIR kinuwestiyon

IKINABAHALA ng isang solon ang sinasabing nagaganap na monopolyo ng kompanyang PHILCOX, Inc sa multi-million IT projects ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ani Western Samar Rep. Senen Sarmiento, napalitan na ang dating “under-the-table” na kalakaran sa mga ahensya ng gobyerno dahil sa digitization at full computerization ng government database.

“What makes corruption in IT projects nearly undetectable is the fact that with the exception of those employed as IT professionals, the technical intricacies in IT such as software and hardware specifications, are almost alien to most non-IT people, and that includes heads of the country’s government agencies that relies heavily on IT-driven services,” ani Sarmiento.

Umaasa si Sarmiento na magsasagawa ng imbestigasyon si BIR Commissioner Kim Henares upang malaman kung mayroong anomalya sa proyekto ng PHILCOX.

Nakuha ng PHILCOX ang 17 IT contracts sa BIR noong Disyembre kung saan tatlo sa apat na IT projects ang nakuha ng PHILCOX sa bidding na isinagawa sa isang araw.

Nagkaroon ng failed bidding sa ika-apat na kontrata pero sa re-bidding ay nakuha rin ito ng PHILCOX.

Dapat din aniyang imbestigahan ni Henares ang alegasyon na nakikipagsabwatan ang PHILCOX sa mga tiwaling empleyado at server software at server supplier na ORACLE upang masiguro na makukuha nila ang kontrata.

Isa aniya sa mga kontrata ang may probisyon na “the bidder must use the latest version of the Oracle DatabaseEnterprise Edition (our existing core relational database management system) to qualify for the project” na taliwas sa Government Procurement Act.

Sinasamantala aniya ng ilang government contractor ang kawalan ng kaalaman ng mga head ng agency upang mapaikutan ang mga ito sa mga proyekto.

Sinabi ni Sarmiento na nakababahala ang balita na ilang IT companies ang nakikipagsabwatan sa mga IT specialist na nasa ahensya ng gobyerno upang maging gatasan ang mga proyekto.

Nagpahayag din ng pangamba si Sarmiento sa proyekto ng Bureau of Internal Revenue kung saan ipinamamahala nila sa pribadong kompanya ang management at maintenance ng database servers nito.

Ayon kay Sarmiento mas makabubuti kung ang BIR ang mangangasiwa sa mga ito dahil naglalaman ito ng mga sensitibong impormasyon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply