Motorcycle lane sa EDSA ipatutupad sa Araw ng mga Puso

IPATUTUPAD na sa Pebrero 14, Araw ng mga Puso ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paggamit ng mga nagmomotorsiklo sa itinakdang motorcycle lane sa kahabaan ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA).

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, magkakaroon muna ng isang linggong dry-run at bibigyan ng 15-minutong seminar sa itatakdang lugar sa Roxas Boulevard, Orense, White Plains, Timog at Quezon Avenue ang mga lalabag sa halip na isyuhan ng traffic violation receipts.

Pagkakalooban naman ng korteng pusong logo ng MMDA na may nakasaad na “Certified Motorcycle Riders at Disiplinado Ako” ang makakakumpleto sa ibibigay na seminar sa oras na masita sila sa paglabag sa itinakdang motorcycle lane.

Itinakda ng MMDA ang ika-apat na linya ng malapad na lansangan mula sa kanan ang palagiang gagamitan ng mga nagmomotorsiklong tumatahak sa EDSA mula sa Monumento hanggang sa Roxs Boulevard patungong SM Mall of Asia, balikan.

Nilinaw naman ni Tolentino na ang itatalagang linya sa mga motorsiklo, na ibinatay sa ipinasang Memorandum Circular na inaprubahan ng Metro Manila Council ay hindi para sa kanila lamang kundi puwede rin itong gamitin ng iba pang sasakyan kung kinakailangan.

Naniniwala ang MMDA chief na kinakailangang mailagay sa iisang linya lamang ang napakaraming motorsiklong tumatahak sa EDSA upang maging maayos ang trapiko at maiwasan ang maraming disgrasya na kanilang kinasasangkutan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply