Motorcycle lanes sa Metro Manila dadagdagan

PLANO ngayon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na magdagdag pa ng mga blue lanes o motorcycle lanes sa iba pang kalsada sa Metro Manila.

Ang karagdagang blue lane ay kasunod ng pagpapatupad nito sa mga pangunahing lansangan tulad ng Commonwealth Ave, Macapagal Blvd., at EDSA.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, matigas ang kanilang paninindigan na ilagay sa ika-apat na lane ang motorcycle lanes alinsunod na rin sa resulta ng kanilang pag-aaral.

Higit na peligroso kung itatabi ang blue lanes sa yellow lanes na okupado na ng mga pampublikong sasakyan na bumabagtas sa mga pangunahing lansangan sa bansa.

Samantala, mahigpit na ang pagpapatupad ng motorcycle lane sa kahabaan ng EDSA kung saan hinuhuli at pinagmumulta ang mga lumalabag sa panuntunan ng MMDA.

Sa report, ilan na ang nahuling nagmo-motor ng lasing kung saan pinagmulta ng P2,000; ang ilan naman ay nagte-text o tumatawag sa cellphone habang nagmo-motor kung saan P200 ang multa.

Ang mga hindi gumagamit ng headlight at sira ang side mirror at walang suot na helmet ay pinagmumulta ng P150.

Ang mga binagong motor na walang pahintulot ng Land Transportation Office (LTO) ay pinagmumulta ng P500 at P300 sa mga nagmo-motor na nakasando, T-shirt, sandals o tsinelas.

May P150 naman ang multa sa mga walang plaka.

Panay naman ang reklamo ng mga nagmo-motor dahil sa fourth lane o pang-apat na linya mula sa bangketa ang inilaang motorcycle lane.

Nahihirapan umano sila sa pagtawid, bukod pa sa ginagamit rin umano ng ibang motorista  ang nasabing lane.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply