Nagpapakamatay, pumapatay at ang mga taong gobyerno

ILIHIS muna natin ang ating talakayan sa pulitika.

Bigyan naman natin ng pansin ang iba pang usapin na nakababahala at nakaiintriga.

NAGBIGTI SA ASIN AT KAININ

Kilala na ba ninyo si Felecito Babor Sr., ng Ilaya, Glan, Sarangani?

Malamang na hindi.

Hindi kasi sikat si Felecito dahil hindi naman siya tulad ng mga senador at kongresman na milyones na nakaw na yaman ang pinag-uusapan sa kasong impeachment ni Chief Justice Corona.

Ngunit kung titingnan ang buhay ng mamang ito, may mahalagang mensahe na kanyang inihahatid.

Ang masakit nga lang ay nalaman ang kanyang mensahe makaraan niyang kitlin ang sarili niyang buhay.

Nagbigti kasi siya makaraang hindi niya matiis ang kanyang mga anak na araw-araw na lang na nag-uulam ng asin habang kumakain.

Ang totoo, masarap ang mainit na kanin na sasabuyan ng asin at may sabaw na tubig.

Ngunit kung araw-araw nang ganito, saan nga pupunta ang buhay ng mga batang ganito?

O magbasa ang gustong magbasa rito.

NAPAGOD SA PAGPADYAK

Tiyak na hindi rin ninyo kilala si Marcelo Vistis, ng Malaya St., Tondo, Manila.

Hindi rin siya kasi sikat katulad pa rin ng mga nasa impeachment court na pawang milyon-milyong nakaw na yaman ang pinag-uusapan.

Tulad ni Felecito, pinaglalamayan pa rin si Marcelo makaraan siyang magbigti sa kawalan ng pag-asa na makaahon sa buhay sa pamamagitan ng pagpadyak ng bisikleta.

Masipag si Marcelo, araw-araw siyang lumalabas at namamasahero.

Ngunit hindi sapat talaga ang kita at napipilitang mabuhay sa hirap at gutom ang kanyang pamilya sa kanilang barong-barong. Napagod siya at winakasan na lamang ang kanyang buhay.

Wala na ngang kinikita, bahagi siya ng mga may pedicab na maya’t maya ay hinuhuli ng mga pulis para lang pagkakitaan at kotongan.

Magbasa ang gustong magbasa rito.

WALANG PAMBILI NG GAMOT

Hindi rin ninyo tiyak na kilala si Antonio Guilin.

Sapagkat walang milyon siyang iniisip kundi mga barya-barya lang.

Taga Barangay 8, Caloocan City siya at pagkakalkal lang ng basura ang hanapbuhay niya.

Nagkasakit siya at doon na siya naglason. Naglason siya dahil wala siyang pambili ng gamot.

Upang hindi na maagaw pa ng kanyang sakit at gamot ang para sa pagkain ng kanyang pamilya, sa lason na lang niya winakasan ang lahat.

Magbasa ang gustong magbasa rito.

WALANG PAMPAARAL

Winakasan naman ng isang estudyante ang kanyang buhay makaraan siyang patigilin sa pag-aaral ng kan-yang mga magulang.

Sa kanyang suicide note, sinabi ni Thomas Ganao, kumukuha ng kursong IT sa Cagayan State University at nakatira sa Brgy. Caggay sa Tuguegarao City, ang hindi niya pagpapatuloy sa pag-aaral ang dahilan upang ibitin niya ang kanyang sarili ng alambre sa kanilang tahanan.

Magbasa ang gustong magbasa rito.

SINO ANG SUSUNOD

Sa dami ng naghihirap sa mahal kong Pinas, tiyak na masusundan na masusundan ang ganitong mga pangyayari.

Kaya naman, ang tanong ay: Sino ang susunod?

May pagkakataon pa nga na hindi umaabot sa atin ang iba pang mga katulad na kaso.

Dahil may mga pamilya na basta na lang nila hindi inire-report sa pulisya ang ukol sa ganitong mga kaso.

ANG MGA PROBLEMA

Napansin ba ninyo, mga Bro, ang mga dahilan ng pagbibigti, paglalason ng mga mamamayang ito?

Kakulangan ng pagkain, mababang kita, kawalan ng pambili ng gamot, walang gastusin sa pag-aaral.

Ito ang mga batayang problema na kinahaharap ng milyon-milyong mamamayan.

Kung araw-araw na may ganitong pangyayari, daan-daan, mga Bro, ang magpapakamatay araw-araw.

MAHIYA SILA SA KONGRESO

Ngayon nga ay nagbibintangan ang mga magkakalaban sa Impeachment Court ng pagnanakaw ng milyon-milyong halaga hindi lang sa pamahalaan kundi sa mamamayan.

Sa totoo lang, walang pera ang gobyerno na ninanakaw ng mga kawatan diyan kung walang buwis na ibinabayad ng mamamayan.

Bukod sa bintangan, lumalabas na waepek din ang mga anak ng mga korap na ito sa buhay ng mamamayan na kanila na ring botante tuwing halalan.

Kita naman ninyo, walang nagpapakamatay sa mga ito dahil sa kawalan ng pambili ng pagkain, gamot, maliit na kita at pampaaral.

MAHIYA SILA SA HUKUMAN

Dapat ding mahiya ang mga nasa hukuman.

Kasali ang mga nasa hukuman sa mga nagbibilang ng milyon-milyong pisong pinag-aawayan sa Senado.

Ito’y ayon na rin sa lumalabas na paglilitis kay Chief Justice Renato Corona.

Wala ring epekto ang sinasabing katarungan sa gutom at paghihirap ng milyon-milyong mamamayan.

HAMON KAY PNOY

Kung wala nang pag-asa sa nakararami sa mga opisyal ng bayan, mapipilitan ang mamamayan na ibaling ang kanilang pag-asa kay Pangulong Benigno Aquino III.

Pagkakataon ni PNoy na bigyan hindi lang ng pag-asa ang mamamayan kundi ng pagkakataon na meron talagang pagbabago sa kanilang buhay.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply