Absentee voting registration nilalangaw

TILA walang interes sa takbo ng pulitika ang maraming overseas Filipino workers sa iba’t ibang panig ng mundo makaraang kakarampot lamang sa kanila ang nagparehistro para sa absentee voting na sinimulan noong nakaraang Nobyembre.

Nagpahayag ng pagkadismaya ang grupong Migrante sa pangunguna ni regional coordinator John Leonard Monterona, nakabase sa Gitnang Silangan, sa naging resulta nito.

Ayon kay Monterona, umaabot pa lamang sa kabuuang 16,332 na mga OFWs sa iba’t ibang panig ng mundo ang nagpaparehistro na malayo sa tina-target na isang milyon bago magtapos ang registration period sa buwan ng Oktubre ng kasalukuyang taon.

Dahil dito, nagpasiya ang Commission on Elections, Department of Foreign Affairs at Manila International Airport Authority (MIA) na lumagda sa isang kasunduan na maglagay ng registration center sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang dito pa lamang ay mahimok na ang mga OFWs na magparehistro.

Sinabi ni Monterona na bagama’t  dapat ay noon pa ginawa ito ng Comelec, mas mabuti na kaysa hindi ang ginawa nilang hakbang dahil makakatipid sa oras ang abala ang mga OFWs kung sa NAIA pa lamang ay magpaparehistro na sila.

Idinugtong pa ni Monterona na kulang pa sa pagpapakalat ng impormasyon ang Comelec at DFA pati na ang mga konsulado ng Pilipinas sa ibang mga bansa sa mga manggagawang Pinoy kaya’t kakaunti ang bilang ng mga nagpaparehistro.

Mas kinakailangan aniya ang pagkakaroon ng mobile registration centers sa mga lungsod at iba pang lugar kung saan marami ang mga OFWs tulad ng ginawang hakbang ng embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia na regular na nagkakaroon ng “embassy on wheels” upang madaling makaugnayan ang mga OFWs na may kinakailangang transaksiyon sa embahada.

Ayon sa ilang OFW na nakapanayam ng mamamahayag na ito, bihira sa kanila ang nakakasubaybay sa lagay ng pulitika sa bansa dahil abala sila sa paghahanapbuhay sa ibayong dagat.

Anila kung may libre man silang oras ay ibinubuhos na lamang nila sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng internet. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply