Nakaaantok, nakabubuwisit

BIHIRANG mangyari na may isinasalang na mataas na opisyal ng gobyerno sa impeachment trial dahil sa paratang na umaabuso sa kapangyarihan.

Sa kasaysayan, mabibilang sa daliri ang isinailalim na sa prosesong ito, isa rito ay ang napatalsik na ex- Pangulong Joseph Estrada.

Kaya nang i-anunsyo ang impeachment ni Chief  Justice Renato Corona, marami ang nagitla dahil sa akusasyong pagmamalabis sa puwesto.

Katulad ng nakaraang pagdinig sa mga impeachment, live itong kinokober ng media para iparating sa taumbayan ang mga kaganapan.

Nakamamangha ang mga kasalanan na nauna nang ipinahayag ng mga kongresista na bumoto para isailalim si Corona sa impeachment.

Dahil nais ng sambayanan na malaman ang katotohanan sa likod ng mga paratang laban sa chief justice, kaya nagka-interes si Mang Juan.

Sa unang araw ng paglilitis, nakatanghod tayo sa pakikinig sa radyo at pagsubaybay sa mga balita sa telebisyon at pahayagan.

Pero sa paglipas ng ilang araw na pagsubaybay sa mga kaganapan sa Senado, unti-unting nawawalan ng interes ang sambayanan.

Kung dati’y nakabukas ang radyo sa mga pribado at pampublikong opisina para dinggin ang balitaktakan ng prosecutor at defense teams, ngayo’y  naka-off na ang mga radyo dahil nawalan na ng interes ang mga ito para pakinggan ang kaganapan sa impeachment proceedings.

Sa totoo lang kasi, nakaaantok, nakababagot at nakabubuwisit na ang makinig dahil sa, pakiwari nati’y  walang saysay na ‘witnesses.’

Walang explosive revelation ang mga witness laban kay CJ Corona para maantig at magka-interes na sumubaybay ang taumbayan.

Tila, baga ‘di nakahanda ang prosecution team sa kanilang ginagawa. Prisinta nang prisinta ng witness na pumapabor pa sa inaakusahan.

Aba’y nakahihiya ang nangyayaring ito. Dapat ay mag-isip-isip naman at magpakitang-gilas ang mga congressman-prosecutor.

Kapag ‘di n’yo napatunayan ang pinagsasabi n’yo laban kay CJ Corona, ay naku, kahiya-hiya kayo sa mata ng sambayanan.

Si Corona ay may ugaling ‘di tumatawa at marahil,  lingid itong humahalakhak dahil sa nakikitang kapalpakan ng prosecution team.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply