Namatay na bride to be, pakakasalan pa rin ng nobyo

KAHIT patay na, inanunsyo kaninang umaga ng isang binata na pakakasalan pa rin niya ang kanyang nobyang nagdadalantao, makaraang namatay sa aksidente sa Rosales, Pangasinan nitong nakaraang Biyernes.

Sinabi ni Romar Scott, kahit hindi pa rin siya makapaniwala sa malagim na sinapit ng nobyang si Mary Joy Gutlay, 21, hindi pa rin magbabago ang kanilang plano at itutuloy nila ang pag-iisang dibdib.

“Bago ilibing ang aking nobyang si Mary Joy, idadaos namin ang aming kasal, masakit man pero kailangan tanggapin na wala na siya,” paiyak na sinabi ni Scott.

Kabilang din sa mga nanghihinayang at hindi pa rin makapaniwala ay ang tatay, nanay, mga kapatid at kamag-anak sa wala sa panahong pagpanaw ni Mary Joy.

“Sabi ko nga sa aking anak huwag na siyang maglalabas dahil buntis siya, paghihinagpis ni Mang Benjamin, tatay ni Mary Joy.

Kuwento naman ng kapatid na lalaki ng dalaga na si Benjie, na nadaanan pa niya ang lugar na pinangyarihan ng aksidente pero hindi niya sukat akalain na kasama pala ang kanyang kapatid sa mga namatay sa aksidente.

“Nadaanan ko yung lugar ng akidente, tapos sabi ko pa, ‘Patay ‘yung tao dito kawawa naman.’ Hindi ko ine-expect na kapatid ko pala ‘yun,” pahayag pa nito.

Matatandaang sinuwag ng isang vegetable truck na minamaneho ni Alex Cuenco ang 3 dump truck, 3 tricycles, 2 motorsiklo at isang nakaparadang owner type jeep sa national highway sa Rosales town nitong Biyernes ng umaga matapos mawalan ng preno.

Isa sa mga sinuwag ng sasakyan ay si Mary Joy na sakay ng tricycle.

Sa presinto, agad namang humingi ng paumanhin sa mga kamag-anak ng mga namatayan si Cuenco na nahaharap sa patong-patong na kaso.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply