Kumatay ng biyenan, 2 sa Taguig arestado

MATAPOS magtago sa awtoridad at tangkaing baguhin ang sariling itsura, hindi pa rin nakaligtas sa kamay ng batas ang suspek na nagmasaker sa tatlong miyembro ng isang pamilya at malubhang pagkasugat sa dati niyang kalive-in kamakailan sa Taguig City makaraang madakip sa Muntinlupa City.

Sa kabila ng pagsusuot ng wig at pagpapatubo ng bigote, nakilala pa rin ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office Regional Police Intelligence Operation Unit (NCRPO-RPIOU) si Leonard Capurcos, 24 habang naglalakad sa gilid ng Sogo Hotel malapit sa Star Mall, Alabang, alas-2 ng hapon.

Ayon kay NCRPO chief Director Alan Purisima, bukod sa pagpatay sa pamamagitan ng pagbaril kina Flordeliza Rafales at dalawang anak na sina Norberto at Godofredo Jr, at malubhang pagkakasugat sa dating kalive-in na si Mhira Flor Rafales noong Enero 24 ng kasalukuyang taon, may nakabimbin pang kasong frustrated murder si Capurcos sa Taguig City Regional Trial Court (RTC)

Sinabi ni Purisima na naglabas na ng warrant of arrest sa naturang kaso si Taguig RTC Judge Toribio Ilao, Jr. ng Branch 266 matapos magtago si Capurcos nang barilin sa dibdib ang isang Monica Padilla noong Pebrero 22, 2009 sa Taguig City na muntik nang ikamatay ng babae.

Nang madakip ng mga pulis si Capurcos, nakumpiska rin sa kanya ang isang fragmentation hand grenade.

Napag-alaman na matapos paslangin ng suspek ang ina at dalawang kapatid ng dati niyang kalive-in, nagpalipat-lipat na ng lugar sa Metro Manila, Cavite at Quezon province ang suspek hanggang madakip siya kahapon ng hapon.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagkimkim ng galit si Capurcos sa ina at mga kapatid ng dating kalive in dahil sa hinalang ang mga ito ang nagsusulsol sa dating kinakasama na huwag nang makipagbalikan sa kanya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply