Nasaan ang kabataan, PNoy?

SA pagtatapos ng EDSA Revolution anniversary celebration, may tanong si dating Pangulong Fidel Valdez Ramos: Nasaan na ang kabataan?

Ang sagot: Hinahanap pa rin ng kabataan saan ang kanilang puwang o lugar sa panahon ngayon. Hinahanap nila kung saan sila luluklok sa kasalukuyang administrasyon. Oras na maramdaman nilang mahalaga sila, na may kahulugan ang pagsama nila, tiyak na darating sila.

Si PNoy ang dapat mag-isip kung paano palalahukin ang kabataan. Ito ay timbangan kung gaano kaepektibo ang kanyang liderato.

Kapag patuloy na hindi makita ang tatak ng kabataan sa administrasyon at mga inisyatibo nito, tiyak na napalaking pagkakataon ang mawawala sa lipunan.

Binubuo ng kabataan ang mayorya ng lipunan. Kung saan sila patutungo ay doon mapupunta ang lipunan at kinabukasan nito.

Saan nga ba sila patungo? Ayon sa survey group na Social Weather Stations o SWS, mas dumami pang kabataang maaari nang magtrabaho ang walang hanapbuhay. Ang kaso, ayaw tanggapin ng administrasyon ang resultang ito.

Mali, di ba? Ewan natin kung bakit. Kampante na ba ang pamahalaan na may prediksyon naman na sa taong 2050 ay aakyat ang ekonomiya ng Pilipinas sa 16th largest economy ng mundo? Hindi dapat.

Mabilis at nakahihilo ang mga pagbabago sa mundo at ang Pilipinas ay nasa sentro nito. Hindi tulad ng karamihan ng mga bansa, ang Pilipinas ay mayaman sa mga pagpapala ng kalikasan.

Hindi nga ba’t naglalaway ang maraming bansa sa angking yaman ng Pilipinas, magmula mineral, langis at biodiversity nito.

Sino ang lalahok sa mga pagbabago ng mundo? Hindi ba’t ang kabataan? Sino ang mangangalaga ng mga natural na yaman ng bansa mula sa kuko ng mga ganid na mayayamang bansa? Hindi ba’t mga kabataan?

Ngunit kung ngayon pa lamang ay kinalilimutan na sila at hindi binibigyan ng pansin at responsibilidad, kakayanin ba nila ang mga pananagutang nabanggit sa hinaharap?

Kaya’t hangga’t maaga ay kailangang mapalahok na ang kabataan. Ingatan natin ang sektor na ito. Sila ang sektor na may pinakabusilak na layuning ipaglaban ang interes ng Inang Bayan.

Kung wala sila, paano na, di ba, PNoy?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply