Obispo nanawagang suportahan ang ‘Alay-Kapwa’

NANAWAGAN sa publiko si Manila Archbishop Luis Antonio Tagle na suportahan ang programang “Alay-Kapwa” ng Simbahang Katolika sa pamamagitan nang pagbibigay ng donasyon sa mga espesyal na second collection na isasagawa sa bawat Banal na Misa sa loob ng anim ng araw ng Linggo ng Kuwaresma.

Sa isang pastoral letter, sinabi ni Tagle na ang “Alay-Kapwa” ay sisimulan na ngayong Linggo (Pebrero 26) at magtatapos sa unang araw ng Abril.

Ayon kay Tagle, na siya ring chairman ng Caritas Manila, ang koleksiyong makakalap sa anim na araw ng Linggo ng Kuwaresma ay magsisilbing pondo sa panahon ng mga krisis at kalamidad sa buong bansa kagaya ng ginawang pagtulong ng Caritas Manila sa nakaraang pagsalanta ng bagyong Sendong at Ondoy.

Iniulat rin nito na sa ngayon ay milyong halaga na ang naitulong ng Caritas Manila para sa mga relief at programang pang-rehabilitasyon sa mga lugar na tinamaan ng mga sakuna at kalamidad, hindi lamang sa loob kundi maging sa labas ng bansa tulad ng tsunami sa Indonesia, sa lindol sa Haiti, at sa nuclear disaster sa Fukushima sa Japan.

Ani Tagle, isa sa malaking pinagkukunan ng pondo ng Caritas Manila sa pagtulong sa panahon ng krisis at kalamidad ay ang “Alay Kapwa” mula sa koleksiyon sa panahon ng Kuwaresma.

“Ang Alay Kapwa ay ang programa ng ating Simbahan tuwing Kwaresma na nagmumulat sa atin sa mga suliranin sa lipunan at sa kalagayan ng mga mahihirap at api bilang pag-tulad sa ating Panginoong Hesus na nagbigay ng kaniyang Sarili para sa ating lahat,” bahagi pa ng pastoral letter. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply