OFW maaaring manatili ng 12 taon sa Taiwan

MAGANDANG balita para sa mga overseas Filipino worker (OFW) na gustong magtrabaho sa bansang Taiwan.

Inaprubahan na ng mga mambabatas sa Taiwan ang isang batas na nagbibigay pahintulot sa mga dayuhang manggagawa na manatili sa kanilang bansa ng kabuuang 12 taon.

Ayon sa impormasyon mula kay Philippine labor attaché to Taiwan Reydeluz Conferido, binago na ng Taiwan parliament ang probisyon ng Employment Service Act upang bigyan ng mas mahabang panahon ang mga dayuhang manggagawa na magtrabaho.

Ikinatuwa naman ng Department of Foreign Affairs at ng Department of Labor and Employment ang naturang pagbabago sa batas.

Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, malaking kaginhawaan para sa mga OFW ang nasabing batas dahil magbibigay ito ng pagkakataon sa mga manggagawang matatapos na ang kontrata na mabigyan ng palugit para ipagpatuloy ang trabaho sa Taiwan.

Makikinabang sa bagong batas ang mga manggagawa sa caretaking, household service, factory, medical at maging ang mga manggagawang mangingisda.

Sinabi pa ni Conferido sa ilalim ng bagong batas, hindi pa rin madadagdagan ang bilang ng mga dayuhang manggagawa sa Taiwan at hindi rin makakaapekto ito sa ibinibigay na pagkakataon ng pamahalaan sa mga lokal na manggagawa na magtrabaho sa kanilang bansa. Freddie Cortez

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply