Pagsasara ng 10 PHL embassy, inalmahan

UMALMA na ang mga overseas Filipino worker (OFW) kaugnay sa napipintong pagsasara ng 10 embahada ng Pilipinas sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Umapela ang OFW sa pamamagitan ng palulunsad ng signature campaign para maiparating kay  Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ang ‘di nila pagsang-ayon sa planong pagsasara ng ilang embahada ng bansa.

Sa Sweden, nagulat ang maraming Pinoy sa balitang magsasara na ang Philippine Embassy doon sa Hulyo na sinasabing inanunsyo mismo ni Ambassador Zenaida Angara Collinson at kaya ang consular services ay ililipat na lamang sa Norway.

Tinatayang umaabot sa 13,000 mga Pinoy ang maaapektuhan sa Sweden, hindi pa kasama rito ang mga undocumented workers.

Nagsagawa rin ng kahalintulad na hakbang ang mga OFW sa Frankfurt, Germany at sa Espanya at 1,000 agad ang lumagda sa unang araw ng signature campaign.

Ilan pa sa napabalitang kasama sa mga ipasasara ang embahada sa Palau, Venezuela at Romania pero ayaw pa muna itong kumpirmahin ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Samantala itinanggi naman ng mga embahada ng Pilipinas sa Czech Republic, Poland, Ireland, Hungary at Portugal ang pagsasara.

Batay na naunang ulat, ipasasara ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang 10 konsulada at embahada ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa bago matapos ang taong ito.

Gayunman, tumanggi si Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez na tukuyin kung aling mga embahada at konsulada ang tuluyan nang isasara ng kagawaran.

Napaulat na kabilang sa ipasasara ng DFA ang Philippine Embassy sa Palau.

Ang pagsasara ng mga embahada at konsulada ng Pilipinas ay bahagi ng pagtitipid ng gobyerno.  Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply