One-strike policy vs jueteng binuhay ng PNP

IKINATUWA ng isang arsobispo ng Simbahang Katolika, na kilala sa paglaban sa mga illegal na sugal, partikular ang jueteng, ang hakbang ni Philippine National Police (PNP) P/Chief Director General Nicanor Bartolome na muling pagbuhay sa ‘one strike policy’ laban sa illegal gambling gaya ng jueteng.

Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at chairman ng Kilusang Bayan Laban sa Jueteng, umaasa siyang ang direktiba ni Bartolome ay magiging daan upang tuluyan nang masawata ang illegal na sugal sa bansa na lalong nagpapahirap sa buhay ng mga Pinoy.

Ipinapanalangin din ng arsobispo na ang naturang polisiya ng PNP Chief ang magiging tugon sa tuwid na daan ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III laban sa katiwalian.

“Ako’y natutuwa at talagang nagpapasalamat kapag yan ay talagang tinupad at mukhang mas detalyado na ang mga alituntunin ng one strike policy,” ani Cruz.

Nabatid na sa ilalim ng kautusan ni Bartolome, aalisin niya sa puwesto ang mga hepe ng pulisya sa mga lugar na may jueteng at iba pang uri ng iligal na sugal.

Binuo rin ng PNP Chief ang PNP Anti-illegal gambling special operations Task forces para ipatupad ang batas laban sa jueteng.

Kumpiyansa rin naman ang Arsobispo na susuportahan ng mamamayan at mga lokal na opisyal ang kampanya ng bagong PNP chief.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply