Pag-subpoena sa ilang opisyal, dokumento ng SC igigiit ng prosekusyon

IPIPILIT ng prosekusyon na ma-isyuhan ng subpoena ng impeachment court ang ilang opisyal at dokumento ng Korte Suprema para sa presentasyon ng mga alegasyon laban kay Chief Justice Renato Corona.

Tiwala si prosecution spokesman Miro Quimbo na pagbibigyan ng impeachment court ang kanilang mga “requests for subpoena.”

Pahayag ito ni Quimbo matapos magpaalala si Senate President Juan Ponce Enrile sa prosekusyon na hindi basta-basta mag-iisyu ng subpena ang Senado sa mga dokumento ng Korte Suprema dahil sa pagkakapantay- pantay ng sangay ng hudikatura at lehislatura.

Kumporme naman si Quimbo na ang separation of powers at pagiging pantay ng tatlong sangay ng gobyerno ay nangangahulugan ng respeto sa isat-isa.

Subalit ang impeachment aniya ay isang proseso na masasabing exempted sa prinsipyong ito dahil inilatag ito ng Saligang batas para mapanagot ang ilang matataas na opisyal kaya puwede rito ang tinatawag na cross over ng Kongreso sa ibang kapantay na sangay ng gobyerno.

Nauna rito ay iniurong ng prosekusyon ang pagpapatawag at pagsu-subpoena sa ilang mga opisyal ng bangko kung saan naka-deposito umano ang limpak na salapi ni Corona.

Matapos makapaghain ng kahilingan para sa subpoena ay agad na binawi ng prosekusyon ang pagpapadala ng subpoena sa mga bangko.

Matapos mabawi ay muling nagparamdam ang mga tagapagsalita ng prosekusyon na ikinukunsidera nila ang muling pagsu-subpoena sa mga opisyal at dokumento ng mga bangkong pinaghihinalaang pinaglagakan ng salapi ng punong mahistrado. Meliza Maluntag

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply