Pagbasa ng demanda kay Abalos sa Lunes na

MATAPOS pumayag ang tagausig na resolbahin muna ang tatlong nakabiting mosyon ng kampo ni dating Commission on Election (Comelec) Chairman Benjamin Abalos, Sr., inusog naman ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang nakatakdang pagbasa ng demanda kay Abalos sa Lunes, Pebrero 13.

Sa pagdinig kanina sa sala ni Pasay RTC Judge Jesus Mupas ng Branch 112, itinakda ang pagbasa ng demandang electoral sabotage kay Abalos sa Marso 26 matapos hilingin ni Atty. Cherry dela Cruz, abogado ng depensa na resolbahin muna ang inihain nilang motion for reconsideration sa ginawang pagbasura sa kanilang hirit na huwag ng makibahagi ang hukom sa kaso.

Reresolbahin din ng korte ang hiling ni Abalos na makapaghain ng piyansa para sa pansamantalang kalayaan, pati na ang motion to quash o pagbasura sa kasong isinampa ng tagausig laban sa kanya.

Hiniling naman ni Atty. Esmeralda Ladra, isa sa mga tagausig ng Comelec na kailangang sabay-sabay nang resolbahin ang tatlong mosyon lalo na at mistulang inamin na rin ng depensa na nasa kapangyarihan ng RTC ang usapin at hindi sa Sandiganbayan tulad ng iginigiit ng kampo ni Abalos.

Nilinaw naman ni Dela Cruz na hindi ito isang uri ng pag-amin kundi alternatibo nilang paraan upang mabigyan ng pagkakataon na makalabas ng kulungan ang kanilang kliyente.

Inatasan naman ni Mupas ang tagausig na maghain ng kanilang komento sa loob ng 10-araw sa mosyon ni Abalos na makapaghain ng piyansa at limang araw para sa motion to quash o tuluyang pagbasura sa kaso.

Kaugnay nito ay iniurong din ni Judge Mupas sa Marso 19 ang itinakdang pagbasa ng demandang electoral sabotage kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na itinakda sa Pebrero 19 upang maisabay na ang pagbasa ng demanda sa dalawa pang akusadong sina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. at Election Supervisor Lintang Bedol.

Nagpasya si Mupas na pagsabay-sabayin na ang pagbasa ng demanda sa tatlo matapos humirit ang abogado ni Ampatuan na bigyan pa sila ng sapat na panahon upang makapaghain ng motion for reconsideration sa naibasurang hirit nila na motion to quash.

Binigyan lamang ni Mupas ng 10-araw ang abogado ni Ampatuan na sagutin ang ibinasurang mosyon at bibigyan din ng 10-araw ang tagausig na magkomento sa magiging katugunan ng depensa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply