Pagbasa ng demanda vs GMA bukas na

BUKAS na ng umaga nakatakdang dinggin ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang hirit ng abogado ni dating pangulo, ngayon ay kongresista ng ikalawang distrito ng Pampanga Gloria Macapagal-Arroyo na pagbasa ng demanda laban sa kanilang kliyente.

Kahapon ay naghain ng mosyon ang abogado ni Gng. Arroyo na humihiling na huwag nang ibimbin ang nakatakdang pagbasa ng demanda laban sa kanilang kliyente sa paniwalang hindi naman sangkot sa naturang usapin ang dating pangulo.

Bukod dito, ikinatwiran din ni Atty. Benjamin Santos, abogado ni Gng. Arroyo na dapat mahiwalay ang pagbasa ng demanda sa kanilang kliyente dahil sa taglay niyang karamdaman.

Bukod dito, naniniwala si Atty. Santos na mas kinakailangang mahiwalay ang pagbasa ng demanda laban sa kanilang kliyente upang maisaayos nang husto ang ilalatag na seguridad ng kapulisan.

Hindi rin naman aniya makaaapekto sa iba pang akusado kung uunahing basahan ng demanda si Gng. Arroyo, bukod sa mas magiging kombinyente rin dito ang hukuman.

Nauna nang iniurong ni Pasay RTC Judge Jesus Mupas ng Branch 112 ang pagbasa ng demanda kay Gng. Arroyo sa Marso 19 sa halip na sa Pebrero 20 na una niyang itinakda matapos maghain ng motion for reconsideration si Atty. Albert Lee Angeles, abogado ni dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. na kasama ring nahaharap sa kasong electoral sabotage.

Dahil hiningan ni Judge Mupas ng komento sa mosyon ng kampo ni Ampatuan ang tagausig ng Commision on Electon (Comelec), ipinasya na rin ng hukom na pagsabay-sabayin na ang pagbasa ng demanda sa mga akusado, kasama na rin si dating Maguindanao Election Supervisor Lintang Bedol.

Kinatigan din ito ni Atty. Esmeralda Ladra, isa sa mga tagausig na nagpahayag na mas makabubuting pagsabay-sabayin na ang pagbasa ng demanda sa mga akusado.

Nakatakda namang humarap din ngayon sa pagdinig si Chief Supt. Lina Sarmiento, ang hepe ng Police Security Protection Group (PSPG) upang alamin kung sapat ang kanilang kakayahan sa pagbibigay ng seguridad sa akusado kung sakali at katigan ang hirit ng depensa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply