Pagbili ng PCOS machines pinag-aaralan na

PINAG-AARALAN na ng Commission on Elections (Comelec) ang posibilidad na bilhin ang precinct count optical scan (PCOS) machines ng Smartmatic International Corp, na ginamit sa national elections noong Mayo 2010.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., dahil sa limitadong budget ng poll body ay ikinukonsidera nila ang pagbili ng naturang PCOS machines.

Pinagdedebatehan rin nila ngayon kung uupa o bibili ng mga bagong makinarya dahil sa kakulangan sa budget.

Kuwento ni Brillantes, P7 bilyon lamang sa hinihingi nilang P10 bilyon ang ibinigay na budget sa kanila ng Kongreso kaya kinakailangan nilang maghigpit ng sinturon.

Kung bibili sila ng bagong PCOS machines ay aabot sa P6 bilyon ang kanilang gagastusin at kaunti na lamang ang matitira para sa iba pa nilang gastusin tulad ng information technology services para sa sistema.

Kung magdesisyon naman silang bilhin ang lumang PCOS machines, kinakailangan munang ayusin at itama ng Smartmatic ang mga problema ng mga ito, na karamihan ay minor deficiency lamang naman.

Matatandaang nagkaroon ng ilang aberya ang eleksiyon noong May 2010 dahil sa naturang PCOS machines.

Sinabi naman na ng Smartmatic na naitama na ang mga naturang problema sa mga makina kaya plano ng Comelec na testingin ang mga ito upang makatiyak.

Nilinaw naman ni Brillantes na ang Comelec en banc ang magdedesisyon hinggil sa mga makina ngunit sa ngayon ay hati pa ang desisyon ng mga miyembro nito sa isyu.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply