Pagdalaw ni GMA sa burol ni Iggy malalaman bukas

DIRINGGIN bukas ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang hirit ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na makapunta sa burol ng kanyang namayapang bayaw na si Negros Occidental Representative Ignacio “Iggy” Arroyo kapag dinala na ang labi sa kinalakihang bahay ng pamilya Arroyo sa La Vista, Quezon City.

Inaasahan namang haharangin ng tagausig ng Commission on Election (Comelec) ang hiling ni Gng. Arroyo na manatili ng tatlong araw, mula Marso 1 hanggang 3 sa kanilang tirahan sa La Vista kung saan ibuburol ang kongresista bago dalhin ang labi sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sinabi ni Felda Domingo, tagapagsalita ng Pasay RTC Branch 112 na posibleng maglabas na rin bukas si Judge Jesus Mupas ng desisyon sa oras na mapakinggan ang panig ng depensa at tagausig kaugnay sa naturang kahilingan dahil batay sa ulat, darating ang labi ng kongresista sa bansa mula sa London sa Pebrero 28.

Nauna nang kinatigan ng korte ang hirit ng kampo ni Gng. Arroyo na makadalaw sa labi ng bayaw noon sanang araw ng Sabado, Pebrero 25 ng walong oras subalit naghain ng panibagong hirit si Atty. Benjamin Santos, abogado ng akusado, matapos maantala ang pagpapauwi sa bangkay ng kongresista sa bansa.

Bagama’t hindi na tinutulan ng tagausig ang unang hirit na makadalaw sa labi ng bayaw si Gng. Arroyo, iginiit ni Atty. Maria Juana Valesa na tatlong oras lamang dapat payagan ang akusado na makasilip sa labi ng bayaw sa oras na dalhin na sa House of Representative at hindi dapat sa kanilang bahay sa La Vista dahil para na ring pinayagan siya sa house arrest.

Nais din ng tagausig na balikatin ni Gng. Arroyo ang mga magagastos sa kanyang pagbisita sa labi ng bayaw, kabilang na ang pagkain ng mga itatalagang mga pulis na magbabantay sa kanyang seguridad.

Nahaharap sa kasong electoral sabotage ang dating pangulo kaugnay sa nangyaring dayaan sa halalan noong 2007 na una na niyang sinagot sa pamamagitan ng not guilty plea.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply