Pagtestigo ng kinatawan ng PAL ibinasura ng impeachment court

NIRERESPETO at tanggap ng prosekusyon ang naging ruling ng impeachment court ukol sa pagbasura sa pagtestigo ng opisyal ng Philippine Airlines (PAL).

Ayon kay CIBAC Party-list Rep. Sherwin Tugna, ang pagtestigo sana ni PAL Vice President Enrique Javier ay upang idiin ang kawalan ng integridad ni Chief Justice Renato Corona dahil sa pagtanggap ng prebilehiyo mula sa isang kompanya gaya ng PAL.

Si Tugna ang tumayo para sa Article 3 at ang unang testigo sana na magbibigay ng testimonya ay si Javier.

Subalit sa kabila ng pamimilit ng prosekusyon na tumestigo si Javier ay tuwiran itong ibinasura ng impeachment court.

Sa kanyang ruling, sinabi ni Presiding Judge Juan Ponce-Enrile na matagal ng nagbigay ng palugit ang impeachment court upang baguhin o amyendahan ang magulong Article of Impeachment.

Sinabi pa ni Enrile na walang kinalaman sa Article 3 ang ukol sa pagtestigo ni Javier o ng PAL kung saan ipinasubpina ang tiket sa eroplano nang nagtungo sa Estados Unidos ang mag-asawang Corona.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply