Pananatili ni GMA sa VMMC, aprub sa Palasyo

SUPORTADO ng Malakanyang ang rekomendasyon ng Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police (PNP) na hayaang manatili si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center.

Ang katuwiran ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte ay bahala na ang DILG at PNP sa usaping ito subalit kailangan lamang na tiyakin ang seguridad ng dating lider.

“When it comes to matters of securing the former President, ipinapaubaya na ni Pangulong Aquino ‘yan sa DILG at sa PNP. At sinabi naman noong dalawang ahensya na mas mabuti na i-extend ho muna ‘yung stay doon sa VMMC,” ani Valte.

Aniya, hindi naman lingid sa kanilang kaalaman na ang naging desisyon ng PNP ay ibinatay sa kung ano ang posibleng mangyari sa kalusugan ni Mrs. Arroyo kapag inilipat sa regular na kulungan sa bansa.

Si dating Pangulong Arroyo ay nananatili sa VMMC sa Quezon City matapos manggaling sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City noong Disyembre 9, 2011.

Ang dating lider ay nahaharap sa non-bailable charge na electoral sabotage dahilan upang agad na magpalabas ng warrant of arrest ang Pasay City Regional Trial court   para siya’y arestuhin dahil sa kasong isinampa laban sa kanya.

Nauna rito, hiniling ng Commission on Elections na ilipat si Gng. Arroyo sa regular detention facility bunsod na rin ng pagbuti ng kalusugan nito.

Subalit sa isinagawang pagdinig noong nakaraang linggo ng Pasay City Regional Trial court ay sinabi ng isa sa dalubhasang manggagamot na tumitingin kay dating Pangulong Arroyo na hindi pa handa ang kanyang pasyente na maditine sa regular cell at kailangan pa nitong sumailalim sa regular physical therapy. Kris Jose

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply