Pangarap na bituin (2)

BAWAT pagsusumikap ay may kapalit na isang matamis na bunga na maaaring anihin pagdating ng takdang panahon…isang aral ng tagumpay na aking namalas sa Malaysia nang makilala ko ang mag-asawang Darius at Aida Gaspar. Hindi ko inakala na kung makulay ang buhay ni Darius ay ganoon din pala ang sa kanyang maybahay na si Aida.

Lumaki si Aida sa bayan ng Morion sa Bataan. Bata pa lamang siya ay miyembro na siya ng choir sa simbahan. Subalit kabaligtaran ng kanyang asawang si Darius ay hindi niya hinangad na maging tanyag sa mundo ng musika. Sapat na sa kanya ang umawit para sa simbahan kasama ng kanyang mga kagrupo.

Bagama’t gustong-gusto niya ang pag-awit ay mas nawili si Aida sa pag-arte nang mapasali siya sa drama club noong nasa kolehiyo siya. Magkagayunman, kapag may pagkakataon ay naipakikita pa rin niya ang kanyang hilig sa musika gaya na lamang nang minsang pagsali niya sa isang koro sa Westin Philippine Plaza.

May mga pagkakataon rin na nag-aaudition siya kapag may ginaganap na mga konsyerto sa kanilang simbahan kung saan ay pinapalad siyang makapasa.

Nang makatapos ng pag-aaral, nagtrabaho si Aida sa Camp Crame kung saan mula sa pagiging isang license officer ay naging isa siyang manager makalipas lamang ang isang taon.

Mula sa pagiging mahiyain at walang kumpiyansa ay unti-unting nagkaroon ng kumpiyansa sa sarili si Aida.

Hanggang sa magdesisyon siyang mag-aral ng voice and stage performance para na rin sa kanyang ikauunlad sapagkat ayon sa kanya ay napakalaki ng kaibahan ng pag-awit sa koro at pag-awit ng solo. Dito niya natutunan kung paano magkaroon ng higit na kumpiyansa habang nasa entablado.

Hanggang sa makilala niya ang asawang si Darius na noon ay nakikipagsapalaran sa bansang Malaysia.

Bagama’t mahirap ay sumugal sina Darius at Aida na magtrabaho sa magkaibang bansa. Naiwan si Aida sa Pilipinas at gumawa ng pangalan si Darius sa Malaysia.

Hindi nila alam na darating ang panahon na magkakasama sila hindi lamang sa iisang bansa kundi pati na rin sa pinagtatrabahuhan.

Nangyari iyon nang magkaproblema si Aida sa kanyang trabaho rito sa Pilipinas at nagdesisyon siyang magtungo sa Malaysia upang bisitahin si Darius.

Hindi inasahan ni Aida na iyon na ang magiging simula upang sundan niya ang yapak ng kanyang asawa, bilang isang teacher sa kanilang voice academy.

Si Darius ang mismong nag-train kay Aida upang maging isang teacher sa kanyang itinayong voice academy.

Nagsimulang maging matunog ang pangalan ni Aida sa mundo ng musika sa Malaysia.

Marami ang kumilala at humanga sa kanyang boses at galing sa pag-awit na naging isang dahilan kung bakit higit na naging matagumpay ang kanilang voice academy.

Sa kasalukuyan ay isa ng vocal manager si Aida, na sa kabila ng naranasang hirap sa pag-aadjust sa kultura ng Malaysia, lalo sa pagkain na pawang maaanghang ay nagawang magtagumpay at makagawa ng sariling pangalan na hinahangaan ng kanilang mga nagiging kliyente.

Tunay nga na ang bawat pagsisikap ay may kapalit tagumpay. Ang bawat paglalayo ay may kapalit na muling pagkikita at pagsasama. Ang bawat karanasan ay may kapalit na kaalaman na makakatulong hindi lamang sa taong nakaranas kundi sa bawat taong makakarinig at makakaalam ng mga pangyayari.

Gaya na lamang ng minsang makilala ko ang mag-asawang Gaspar na nagbigay sa akin ng inspirasyon at mga aral ng buhay.

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayang over-seas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply